Suspek sa pagpatay sa ina ni Cherry Pie Picache, kinilala na
Isinapubliko na ng Quezon City Police District ang pangalan at larawan ng suspek sa pagpatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache.
Sa ulat ng GMA late night news Saksi nitong Huwebes, tinukoy ng pulisya si Michael Flores, 29-anyos, ang sinasabing suspek sa pagpatay sa 72-anyos na si Gng. Zenaida Sison.
Nitong Huwebes din, pinuntahan ng mga awtoridad ang mga kaanak ni Flores sa Laguna para humingi ng impormasyon tungkol sa suspek.
Si Flores umano ang nagsilbing tagalinis sa bahay ni Gng Sison, na natagpuang patay at may mga saksak sa katawan sa bahay nito sa Quezon City.
Natukoy umano ang suspek sa tulong ng closed-circuit-television camera at mga naiwang damit nito sa bahay.
Pagnanakaw pa rin ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.
Nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation tungkol sa kaso. -- FRJ, GMA News