ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Taon na unang inilunsad ang kampanya para sagipin ang pinakamahal na isda sa Pilipinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ang ludong, na tinatawag ding banak, ang pinakamahal na isda sa Pilipinas dahil sa presyo nito na hanggang P5,000 bawat kilo.

Dahil sa mataas na presyo, naging target siya ng mga mangingisda na humantong sa overfishing, at naging dahilan para manganib itong mawala sa balat ng lupa. Kaya naman ang pamahalaan, kumilos para hindi ito mangyari.

Ang ludong ay hawig sa bangus. Mas malaki nga lang ang mata nito, katawan at mabilog ang tiyan. Binansagan din ang isda na "president's fish" dahil naging paboritong isda raw ito ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Makikita ang ludong sa Cagayan River at maging sa Santa-Abra River sa Ilocos Sur at sa bahagi ng Abra.

Ayon sa isang pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), sa paglipas ng panahon ay napansin ang pagkaunti at pagliit ng mga ludong. Noong 2002 at 2003, wala umanong ludong na nahuli ang mga mangingisda.

Pero taong 1952 pa lang ay gumawa na ng hakbang ang pamahalaan para sagipin ang mga ludong. Sa taong ito, ipinalabas ng noo'y kalihim ng Agriculture and Natural Resources na si Fernando Lopez ang Fisheries Administrative Order (FAO) No. 31.

Basahin: BFAR bars catching of PHL’s most expensive fish ‘ludong’ until mid-Nov.

Nakasaad sa kautusan na bawal hulihin at ibenta ang nabanggit na isda mula Oktubre hanggang Enero na panahon ng pangingitlog nila. Isinagawa ito upang mabigyan sila ng pagkakataon na makapagparami. 

Nang panahong iyon, P200 pa lamang ang multa sa mga lalabag at pagkakakulong ng hanggang anim na buwan.

Pero nitong nakaraang Marso 2014, nagpalabas ng Administrative Circular No. 27 ang kasalukuyang Agriculture Secretary na si Proceso Alcala, suporta sa FAO No. 31.
 
Mula sa dating P200.00, iniakyat ito sa P80,000.00 ang multa, at pagkakakulong ng hanggang walong taon, mula sa dating anim na buwan. Iiral ang ban sa ilalim ng kautusan ni Alcala simula sa unang araw ng Oktubre hanggang sa kalagitnaan ng Nobyembre. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia