ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pampasaherong bus, naaksidente sa Albay; 3 batang magkakapatid at buntis, nasawi


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Apat na pasahero ang nasawi at 38 iba pa ang nasugatan nang maaksidente ang isang pampasaherong bus ng Don Don Liner Bus dahil nawalan umano ng preno habang bumibiyahe sa Daraga, Albay nitong Linggo. 
 
Sa ulat ng GMA late night news Saksi nitong Lunes, sinabing nakitang nakatagilid sa kalsada at yupi-yupi ang bubong ng Don Don Liner Bus nang makita. Naganap umano ang aksidente dakong 9:00 ng umaga.
 
Kinilala ang apat na nasawi magkakapatid na sina Ryan Percival Abrigo, 8; Grace Ann Abrigo, 4; at Maria Georgina Abrigo, 7. Kabilang din sa nasawi ang buntis na si Princess Dichoso, 26.
 
Ayon sa mga nakaligtas na pasahero, hindi naman daw masyadong mabilis ang takbo ng bus nang mangyari ang aksidente.

 
Sa imbestigasyon ng PNP Albay, lumitaw na nawalan ng preno ang bus na minamaneho ni Romel San Buenaventura. 
 
Pahayag ni San Buenaventura, mahigit 20 taon na siyang nagmamaneho, ngunit apat na araw pa lang niyang minamaneho ang naturang bus na naaksidente. 
 
Sa paunang imbestigasyon, nakitang wala na sa maayos na kondisyon ang bus. Nabunot ang muelle sa likuran ng bus at naputol din ang drive shaft.
 
Kulang rin umano ang turnilyo ng muelle sa harapan, at itinali pa ng goma. Wala ring plaka ang bus at nakasulat lamang ang plate number sa katawan nito. 
 
Ayon sa mga kaanak ng mga biktima, sasagutin ng Don Don Liner Corp. ang pagpapalibing sa mga nasawi at ang gastusin ng mga sugatan sa ospital.
 
Samantala, hindi pa araw handang magbigay ng pahayag ang naturang bus company sa kasalukuyan.-- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News
 
 

Tags: busaccidents