Modus sa pagnakaw ng pera sa ATM gamit ang dagta ng langka, 3-buwan bago nabuko
Gamit ang kapirasong bakal at dagta ng langka sa bagong modus sa pagnanakaw ng pera sa ATM na natuklasan sa isang sangay ng bangko sa Marikina nitong Lunes.
Ayon sa ulat ni Ivan Mayrina, matapos ang ilang reklamo, nahuli sa surveillance camera ang suspek na si Vivencio Cruel na inilalagay ang bakal sa labasan ng pera sa ATM noong September 30.
Umabot umano sa P5,000 ang pinakamalaking nakuha ng suspek sa tatlong buwang modus.
Ani Cruel, "Sinusukat ko yan sa dispenser sa labasan. Tapos ... lalagyan ko ng pandikit, dagta ng langka."
Bukod sa bakal na mayroon pang P800 na nakadikit, nakuha rin mula sa suspek ang ilang ATM cards mula sa iba't ibang bangko.
Ilang beses na umanong nakatatanggap ang bangko ng mga reklamo na hindi naglalabas ng pera ang ATM ngunit nakakaltasan ang kanilang account, kaya naman itinawag na nila ito sa pulisya.
Binalaan naman ni SPO1 Marvi Veloria ng Marikina Police ang publiko na mag-ingat sa paggamit ng ATM. -- Bianca Rose Dabu, GMA News