Mga estudyante ng isang paaralan sa Ilocos Sur, ibinilad sa araw ng guro bilang pagdisiplina
Inireklamo ang isang guro sa Candon City, Ilocos Sur matapos nitong ibilad sa init ng araw ang kanilang mga estudyante na paraan daw niya ng pagdisiplina. Nakunan din sa cellphone video ang paghampas ng guro sa braso ng isa niyang estudyante gamit ang hawak na pamaypay.
Sa ulat ni Mark Masudog ng GMA-Ilocos sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, ipinakita ang kuha ng cellphone video ng isang high school student habang nakabilad sa araw ang mga estudyante ng isang pribadong eskwelahan sa lungsod ng Candon.
Sa video footage, makikita ang mga estudyante na ginagamit na proteksiyon sa init ng araw ang kanilang mga bag. Nakunan din ang paghampas ng inirereklamong guro na si Niel Joseph Titular sa braso ng isang lalaking mag-aaral gamit ang hawak nitong pamaypay.
Ayon sa ulat, tumangging humarap sa camera si Titular pero ipinaliwanag niya na dinisiplina lang niya ang mga estudyante.
Bukod daw kasi sa late sa klase ang mga mag-aaral, wala pa raw uniporme ang mga ito.
Sinabi ng 15-anyos na estudyante na hinampay ng guro sa braso, na tumagal ng isang oras ang pagkakabilad nila sa araw.
Ikalawang pagkakataon na rin daw na ginawa iyon sa kanila ng kanilang guro.
Kaagad namang daw kinausap ng administrasyon ng paaralan si Titular at binigyan umano ng memo na hindi na dapat ulitin ang ginawa sa mga estudyante.
Pinatawan din umano ng "written reprimand" ng Department of Education si Titular. -- FRJ, GMA News