Mga pinuno ng pulisya sa Metro Manila, binalasa ni Roxas
Inalis at pinalitan ni Interior Secretary Manuel Roxas II ang apat sa limang District Director ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila. Kabilang sa tinanggal sa puwesto, ang pinuno ng Quezon City Police District.
Sa layunin na mapahusay umano ang kampanya laban sa kriminalidad, inaprubahan ni Roxas ang rekomendasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na alisin sa puwesto ang mga district director na sina Chief Superintendent Rolando Asuncion ng Manila Police District (MPD), Chief Superintendent Edgardo Layon ng Northern Police District (NPD), Chief Superintendent Richard Albano ng Quezon City Police District (QCPD) at Chief Superintendent Jet Erwin Villacorte ng Southern Police District (SPD).
Tanging si Chief Superintendent Abelardo Villacorta ng Eastern Police District (EPD) ang nakaligtas sa balasahan.
Si Villacorta ang nakakuha ng kredito sa pagkakahuli sa 10 pulis ng La Loma Police Station, na nasangkot sa umano'y EDSA "hulidap" case sa Mandaluyong City.
Si Asuncion ay pinalitan ni Senior Superintendent Rolando Nana sa MPD; si Senior Superintendent Joel Pagdilao ang pumalit kay Albano sa QCPD; si Chief Superintendent Henry Rañola ang bagong pinuno ng NPD; at si Chief Superintendent Ferdinand Miano ang inilagay sa SPD.
Bukod sa balasahan sa puwesto ng mga district director, umabot na umano sa 14 na station commander sa Metro Manila ang inalis din sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang PNP ay nasa ilalim ng pamamahala ng DILG. — FRJ, GMA News