'Duterte for President Movement' umaarangkada papuntang Luzon
Umarangkada na ang caravan para kumbinsihin si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na tumakbong presidente sa eleksyon sa 2016.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, patungo na ang caravan sa Luzon kahit ilang beses nang iginiit ni Duterte na wala siyang balak tumakbong presidente.
Ayon kay Duterte, sinubukan umano niyang pigilan ang "Duterte for President Movement," na binubuo ng mga opisyal ng mga barangay sa Davao city.
"I do not want to be the president, I do not need it. I do not want it, I do not covet it," giit ng alkalde.
Nitong nakaraang Setyembre, sinabi ni Senador Miriam Defensor na kung tutuloy siya sa pagtakbong presidente sa 2016, first choice niya na maging running mate o bise presidente si Duterte.
"He (Duterte) will make an excellent Vice President for enforcement," pahayag ng senadora.
Gayunman, magalang na tinanggihan ni Duterte ang mungkahi ni Santiago at sa halip ay inirekomenda nito na si dating Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kuning katambal ng senadora kapag tumakbong pangulo ng bansa.
Sa ngayon, ilan sa mga pangalan na lumulutang na posibleng tumakbong pangulo sa 2016 elections ay sina Bise Presidente Jejomar Binay, Interior Secretary Mar Roxas, Sen. Bong Revilla Jr. at Sen. Alan Peter Cayetano. -- FRJ, GMA News