Cherry Pie, 'di nakapagpigil nang makita ang suspek sa pagpatay sa kaniyang ina
Hindi napigilan ng aktres na si Cherry Pie Picache ang sarili nang makaharap nitong Huwebes sa Department of Justice ang suspek sa pagpatay sa kaniyang ina.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing sapak at sigaw ang inabot ng suspek na si Michael Flores mula kay Picache.
Paulit-ulit na tinanong ng aktres si Flores kung bakit nito ginawa ang krimen sa kaniyang 75-anyos na ina na si Zenaida Sison.
Wala nang nagawa si Flores kung hindi ang humingi ng tawad.
Inamin din ni Flores na mag-isa lang niyang ginawa ang krimen, taliwas sa nauna nitong pahayag na may dalawa pa siyang kasama.
Nagsisilbing tagalinis ng bahay ni Sison si Flores.
Kaugnay nito, nagtungo naman sa tanggapan ng National Bureau of Investigation si Sherwin Ledesma, ang tinutukoy ni Flores sa binawi nitong pahayag na "Kuya Weng," na kasama umano niya sa krimen.
Hinala naman ni Ledesma, may galit sa kaniya si Flores kaya idinawit siya sa krimen. Madalas daw niyang binabatukan at minumura ang suspek noon kapag lasing.
"Hindi ko alam kung may nag-utos sa kaniya na gamitin pangalan ko o may galit lang sya sa akin nung time na magkasama kami," ani Ledesma.
Dahil sa pagkakaaresto kay Flores, nagpasalamat si Picache sa mga awtoridad at sa mga nagbigay ng impormasyon para malutas ang kaso ng ina. -- FRJ, GMA News