ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paglaban ng isang dalagita na sinaniban umano ng 'white lady,' nakunan ng video


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang dalagita ang sinapian umano ng "white lady" na naninirahan sa puno ng kalapini sa Binmaley, Pangasinan. Ang pagwawala ng babaeng sinaniban, nakunan sa amateur video.

Sa ulat ng GMA news Unang Balita nitong Huwebes, ipinakita ang bahagi ng kuha ng amateur video sa 14-anyos na babae na sinaniban umano ng white lady.

Sa video, makikita na sumisigaw at nagwawala ang dalagitang itinago sa pangalang ''Jie.''

Masyado raw malakas si Jie kapag sinasaniban kaya kinailangang pigilan siya ng apat na tao habang isinasagawa ang mga paraan kung papaano mapapaalis sa katawan niya ang sumanib sa kaniya.



"Nanginginig ako, 'yon po, parang yung katawan ko nanghihina po... papasok na lang po siya hindi ko na po alam susunod na mangyayari... dahil pagod na raw po siyang magbantay," kuwento ni Jie tungkol sa babaeng sumasanib daw sa kaniya.

Tatlong magkakasunod na gabi umanong sinaniban ang dalagita, at pinakahuli noong Linggo ng gabi. Nang makita si Jie nang gabing iyon, nagkulong daw ito sa palikuran at nagtangkang maglaslas sa kamay.

Taon-taon umanong may nasasaniban na dayo sa lugar.  Pinaniniwalaan ng mga residente na may naninirahang white lady sa puno ng kalapini.

Gayunman, aminado si Jie na mayroon siyang problema matapos siyang itakwil ng magulang dahil sa pagsama sa kasintahan.

Ang Simbahang Katolika, nagpaalala na huwag kaagad maniniwala sa mga sinasapian umano. Kailangan daw munang mapatunayan kung totoong sanib mula sa masamang ispiritu ang naranasan ni Jie.

Inirekomenda rin nila ang pagkuha ng medikal na atensyon ng dalagita.

Pero anuman daw ang kondisyong nararanasan ng dalagita, kailangan umano mas patatagin nito ang pananampalataya sa Diyos. -- FRJ, GMA News

Tags: whitelady, ghost