'Nabulagang' sundalo, nakapatay ng mag-amang magsasaka na inakala raw na NPA
Patay matapos pagbabarilin ng sundalo ang isang mag-amang magsasaka na napagkamalan daw miyembro ng New People's Army (NPA) sa New Bataan, Compostela Valley nitong Linggo.
Ayon sa ulat ni Rose Bernales ng GMA-Davao sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing miyembro ng 66th Infantry Battalion ang sundalong nakapatay sa mag-amang Lando at Judah Dagansan, isang menor de edad, sa Barangay Andap, New Bataan, Compostela Valley.
Inamin naman ni Lt. Col. Michael Logico, commander ng 66th Infantry Battalion, na napagkamalang rebelde ang mga biktima. Aniya, "Yung lead element natin, nabulaga along the trail nang biglang silang flinashlight, dalawang flashlight, sabay nakarinig siya ng sigaw na sundalo, sundalo. So upon his immediate instinctive reaction, akala niya mga kalaban, nag-open fire siya doon sa general direction.”
Nais naman ng pamilya ng biktima na isailalim sa tribal court ang bumaril sa kanilang kaanak. Sa ilalim ng mga batas nito, kamatayan ang kabayaran sa nagawang krimen.
Paliwanag ni Resty Lino, kaanak ng mga biktima, "Sa customary law, noon, sa batas ng aming mga ninuno, kung nakapatay ka, ganun din ang parusa doon sa mga sundalong nakapatay. Ganun talaga yan kasi bata pa ito eh, 17 pa lang ito."
Posibleng maharap sa kasong homicide ang mga bumaril sa mag-ama. Handa naman daw i-turnover ng militar ang mga sundalo sa pulisya sa oras na magsampa ng kaso ang pamilya nito.
Hindi naman muna pinangalanan ng militar kung sino at ilang sundalo ang sangkot sa insidente.
2 rebelde, patay naman sa Davao
Samantala, dalawang hinihinalang miyembro ng New People's Army ang nasawi, habang dalawang iba pa ang naaresto ng mga awtoridad noong Martes sa Davao Occidental.
Sa hiwalay na ulat ni Marlon Palma-GIl ng GMA-Davao, kinilala ang mga nasawi na sina Mark Bryle Garduque alias Bryan at isang alias Daniel. Habang ang mga nadakip naman ay sina Marilyn Magpatoc alias Tonyang, 31, at Ritchie Abrenica alias Pedro, 26.
Sinabi ni Maj. Gen. Eduardo Ano na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente hinggil sa pagkukuta sa lugar ng mga rebelde.
"The local populace continues to provide us credible information as they are already sick and tired of the NPA,” anang opisyal.
Kaugnay nito, sinasabing nakatakas ang nadakip na si Abrenica matapos saksakin ng basag na bote ang nagbabantay na tauhan ng CIDG, kung saan ito nakadetine.
Pinaghahanap na si Abrenica, habang hindi pa nagbibigay ng pahayag si Magpatoc, na nananatiling nakakulong. -- BRDabu/FRJ, GMA News