ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Napoles, wala raw alam sa pag-withdraw ng pera sa mga NGO bank accounts


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinabulaanan ni Janet Lim Napoles na pinayagan niya ang mga dating tauhan na mag-withdraw ng malaking halaga mula sa bank accounts ng ilang non-government organizations (NGOs) na idinadawit sa umano'y pork barrel fund scam.

Ang mga kawani ni Napoles--kabilang si Benhur Luy-- ang naging whistleblower at testigo ng gobyerno sa isinampang plunder at graft cases laban sa kaniya at sa tatlo pang senador kaugnay ng umano'y pagwawaldas sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala rin sa tawag na pork barrel funds.
 
"Wala akong pinipirmahan, wala akong kino-confirm," pahayag ni Napoles, itinuturong mastermind sa umano'y pork barrel fund scam, sa ginanap na pagdinig sa kaniyang petition for bail sa Sandiganbayan Third Division nitong Biyernes.
 
Tugon ito ni Napoles sa testimonya ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) investigator na si Attorney Leigh Von Santos, sa hiwalay na pagdinig na ginawa ng First Division noong Miyerkules.
 
Sa kaniyang testimonya,  sinabi ni Santos na lumitaw sa inquiry report sa mga bank transaction ng Napoles-linked NGOs na pinirmahan umano at kinumpirma ni Napoles ang mga withdrawal slips sa pamamagitan ng pagbibigay ng permiso kina Benhur Luy at sa iba pang whistleblowers.
 
Ayon kay Santos, ang authorization sa pag- withdrawals ay, "indication that she has direct control over these NGOs" kung saan ang pondo ng PDAF ng ilang mambabatas ay napunta kapalit ng komisyon.
 
Pero giit ni Napoles, imposible ang pahayag ni Santos dahil ang mga whistleblower ang nagsisilbing mga presidente at opisyales ng mga NGO na naging pakay ng AMLC inquiry.  Dahil dito, ang mga dati niyang tauhan ang nagsisilbing principal holders umano ng mga bank account ng NGOs.
 
"Ikaw ba naman yung account mo or ng NGO mo sa'kin iko-confirm ng bangko? Hindi naman ako nakapangalan dun," katwiran ni Napoles.
 
May limang NGO na ang mga bank account ay sinuri ng AMLC kaugnay naman ng PDAF allocations ni Senador Ramon "Bong" Revilla Jr., na kabilang sa tatlong senador na kinasuhan din dahil sa pork barrel scam.
 
Sa panayam sa abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David, iginiit nito na walang katibayan na direktang mag-uugnay sa kaniyang kliyente sa pork scam, maliban sa mga testimonya ng mga whistleblower.
 
"Malaking kalokohan 'yan, bakit mo iko-confirm sa isang tao ang bank account na hindi naman kanya?," ani David.
 
Kinuwestiyon din nito ang authenticity ng mga withdrawal slip, dahil batay umano sa testimonya ni Santos, inamin nito na hindi nakausap ng AMLC investigators ang mga opisyal ng bangko na nagsabing nagpatotoo sa ginawang confirmation ni Napoles.
 
"Hindi naman pala nila (AMLC investigators) nakausap itong mga bank officers na ito, hindi nila natanong kung talagang natawagan ba ng mga ito si Mrs. Napoles...Saka alam naman natin na sa phone ang dali lang mag iba-iba ng boses, paano sila nakasigurado na si Mrs. Napoles 'yon? Puwedeng yung mga whistleblower lang din yung kausap nila," ayon kay David.
 
Dagdag pa ni David, mismong si Luy umano ay umamin na pinipeke nito ang mga dokumento at ilang pirma kaya puwede ring pineke nito ang pirma ni Napoles.
 
"Benhur Luy has admitted falsifying thousands of documents and forging thousands of signatures.... Ano ngayon ang kasiguraduhan na hindi peke ang mga withdrawal slip na ito?," ayon pa sa abogado. — FRJ, GMA News