Apat na miyembro ng pamilya sa Ilocos Norte, nasawi sa sunog
Nasawi ang isang ama kasama ang dalawa niyang anak at ang kaniyang ina nang makulong sila sa nasunog nilang bahay sa San Nicolas, Ilocos Norte.
Ayon kay GMA News stringer Dennis Alipio, ang mga nasawi ay ang ama na si Inocencio Capalungan, at ang dalawa niyang anak na edad 5 at 10, at ina nito na si Rozalinda, 96-anyos.
Nakita umano ang bangkay ng mag-aama na magkakayakap.
Sa ulat naman ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, na posibleng nagsimula ang sunog sa napabayaang kandila na may sindi.
Mabilis daw na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang bahay ng mga biktima.
Hindi na raw nagawang mailigtas ng mga biktima dahil malaki na ang apoy nang dumating ang mga bumbero.
Patuloy ang imbestigasyon sa sunog na tumagal nang halos isang oras bago tuluyang naapula. -- FRJ, GMA News