Nasa P1-milyong halaga ng mga isda, nalugi dahil sa fish kill
Aabot na sa 50,000 piraso ng isda ang apektado ng fish kill sa Cabugao, Ilocos Sur. Ang pagkamatay ng mga isda ay bunga raw ng biglang pagbabago ng panahon at pagsisikip ng mga palaisdaan.
Sa ulat ni Brigette Mayor ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nanghihinayang ang mga fish cage owner sa pagkamatay ng kanilang mga isda tulad ng mga bangus at malaga.
Sa pinakahuling tala ng lokal na pamahalaan, tinatayang nasa 50,000 isda na nagkakahalaga ng P1 milyon ang apektado ng fish kill.
Dahil sa fish kill, lugi raw ang mga mangingisda at wala na silang maaani lalo na sa Disyembre kung kailan pa naman magpapasko.
Ayon sa Municipal Fishery and Aquatic Resources Management Council, ang biglang pag-init ng panahon ang sanhi ng fish kill.
Posibleng nakaranas daw ng thermal shock ang mga isda. Bukod dito, mababa rin daw ang dissolved oxygen sa mga fish pen dulot ng mabagal na daloy ng tubig.
Kaagad naman na iniutos na pagtanggal na ang mga namatay na isda sa mga palaisdaan.
Samantala ang ibang fish cage owner, minabuting anihin na lang ang maliliit pang mga isda para mapakinabangan at hindi na madamay sa fish kill. -- FRJ, GMA News