Bilibid Nueva Ecija: Bagong kulungan ng mga bilanggo, gagastusan ng P50B
Inaprubahan na umano ng National Economic Development Authority (NEDA) ang planong ilipat sa Nueva Ecija ang bagong New Bilibid Prison (NBP) na kasalukuyang nasa Muntinlupa City.
Sa ginawang pagsusuri ng House Justice committee sa loob ng Bilibid nitong Huwebes, sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Jesus Bucayu, na nakakuha na ng "go signal" noong nakaraang linggo mula sa NEDA ang paggawa ng bagong kulungan na popondohan ng P50.18 bilyon.
Ang bagong Bilibid ay itatayo umano sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija sa ilalim ng public-private partnership o PPP program. Inaasahang makokompleto ito sa loob ng lima hanggang pitong taon.
Ayon sa PPP Center, kayang tanggapin ng itatayong Bilibid sa Nueva Ecija ang 26,880 bilanggo mula sa NBP at Correctional Institution for Women (CIW).
Sa ngayon, nasa 23,000 katao ang nakapiit sa NBP, na ipinatayo noong 1940.
“Our congestion rate in NBP is 165 percent. [Ang maximum] capacity is 8,900 but the total number of inmates is 23,000,” paliwanag ni Bucayu.
Ayon naman kay House Justice committee chair Iloilo Rep. Niel Tupas, ang pagbisita ng mga mambabatas sa NBP ay bahagi ng kanilang oversight function.
Nais ding malaman ng mga mambabatas kung naipatutupad ang probisyon ng Republic Act 10575 o ang Bureau of Corrections Act of 2013, na naglalayong mapahusay ang pasilidad ng mga piitan at maging ang sangay ng BuCor tulad ng pagtataas sa sahod at benepisyo ng mga kawani nito.
“Nakakaawa talaga ang sitwasyon [ng mga inmates],” pahayag ni Tupas matapos ang ginawang pag-inspeksiyon. — FRJ, GMA News