ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pabor ka ba sa SC ruling tungkol sa isyu ng 'right to privacy' ng Facebook user?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagdesisyon kamakailan ang mga mahistrado ng Korte Suprema na hindi lubos o absolute ang "privacy" ng isang Facebook user kahit pa naka-"friends only" ang setting nito, o mga taong nasa friend list lang niya ang dapat makakita sa larawan na ini-upload niya sa nabanggit na social networking site.  

Dahil sa naturang opinyon, ibinasura ng korte ang reklamo ng mga magulang ng dalawang estudyante sa Cebu City laban sa tao na nag-download umano ng larawan ng kanilang mga anak na naka-"friends only" setting sa FB.
 
Ang petisyon para sa "writ of habeas data" ay inihain ng mga magulang ng dalawang mag-aaral sa St. Theresa's College, na kabilang sa limang high school students na babae na hindi pinayagang makadalo sa graduation rites noong 2012.
 
Ang hindi pagsama sa kanila sa martsa sa graduation ay parusa ng pamunuan ng paaralan dahil sa umano'y malaswang mga larawan na inilagay umano ng mga estudyante sa kanilang FB account.
 
Sa petisyon ng mga magulang na inihain sa Third Division ng SC, hiniling nila na atasan ang pamunuan ng paaralan na ilabas ang larawan na ginamit na basehan sa pagpataw ng parusa sa mga estudyante. Nalabag din umano ang "right to privacy" ng mga estudyante dahil na-download ang mga larawan nang walang pahintulot ng mga estudyante at naka-"friends only" ang setting sa FB.
 
Pero itinanggi ng inirereklamong STC computer teacher na si Mylene Rheza Escudero, na siya ang kumuha o nag-download ng mga kontrobersiyal na mga litrato. Aniya, ang mga estudyante niya ang nakakita sa mga larawan na mga pinarusahang estudyante.
 
Sa 18-pahinang desisyon ng SC, naniniwala ang mga mahistrado na walang paglabag sa "right to privacy" na nangyari sa naturang usapin.

"Without proof that they placed the photographs subject of this case within the ambit of their protected zone of privacy, they cannot now insist that they have an expectation of privacy with respect to the photographs in question," saad sa desisyon.

Kung mayroon man umanong may dapat sisihin ang mga nagrereklamo at nakarating sa mga kinauukulang opisyal ng paaralan ang mga larawan, ito ay ang mga kaibigan ng mga pinarusahang estudyante na nakakita sa kanilang inilagay sa FB.
 
"Curiously enough, however, neither the minors nor their parents imputed any violation of privacy against the students who showed the images to Escudero," ayon pa sa desisyon. At kahit naka-setting ang mga larawan sa "friends only," hindi raw ito maituturing na "absolute privacy."

Pero baka raw naging iba ang usapan para sa korte kung napatunayan ng mga nagrereklamo na naka-setting ang larawan sa "only me," o user lang ang makakakita, o  kaya naman ay naka-"custom setting," na pili lang ang makakakita.

Bunga nito, pinaalalahanan na lang ng SC ang publiko na maging maingat na lamang sa ginagawa sa cyberspace.

"Furthermore, and more importantly, information, otherwise private, voluntarily surrendered by them can be opened, read, or copied by third parties who may or may not be allowed access to such," saad sa sa desisyon ng SC.
 
Sa isang ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing sang-ayon ang isang technology expert sa paalala ng SC.

Ayon kay Art Samaniego, technology editor ng Manila Bulletin, sa antas daw kasi ng teknolohiya ngayon, kahit mga naburang litrato ay maaari pa ring ma-retrieve.

Kaya makabubuti raw na ugaliing tingnan ang privacy setting ng social media accounts.

Samantala sa isang text message sa GMA News Online, inihayag ng social media expert na si Jose Torres Jr., na kailangan namang linawin ang magiging pananagutan ng isang tao na magda-download o magpi-print ng larawan mula sa FB nang walang pahintulot ng may-ari.

Aniya, bagaman aprubado ng FB user na ipakita sa "friends" ang mga larawan niya, ibang usapan na umano kung ida-download ito o ipi-print nang hindi ipinaalam sa may-ari, lalo na kung gagamitin sa ibang bagay. -- FRJ, GMA News

Tags: talakayan