2 magsasaka, nilasing at pinatulog bago pinaslang ng kainuman sa Pangasinan
Patay ang dalawang magsasaka matapos silang pagbabarilin ng kanilang kainuman sa Rosales, Pangasinan. Ang baril na ginamit ng mga suspek, pag-aari umano ng isa sa mga biktima.
Sa ulat ni CJ Torida ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, kinilala ang mga biktima na si Mario Mejia at Recio Vargas, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakipag-inuman sina Mejia at Vargas sa barangay Carmen East, kasama ang dalawang suspek na sina Catalino Lumpok at Rolly Garcia.
Hinintay daw mga suspek na makatulog ang mga biktima bago pagbabarilin gamit ang baril ni Mejia na M-16 rifle.
Matapos ang krimen, tumakas ang mga suspek bitbit ang baril ni Mejia.
Hinala ng pulisya, sadyang target ng mga suspek na nakawin ang baril ng biktima, at posibleng para ibenta.
Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad ang dalawang suspek. -- FRJ, GMA News