4 na hinihinalang holdaper, patay sa engkwentro sa Bulacan
Apat na hinihinalang holdaper ang napatay ng mga awtoridad sa umano'y engkwentro sa Malolos, Bulacan nitong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nangyari ang engkwentro dakong 9:00 a.m. sa Barangay Ligas sa Malolos City, matapos pasukin umano ng mga suspek ang isang kooperatiba.
Kaagad na rumesponde ang mga pulis at nagkaroon ng putukan nang makaharap nila ang grupo ng mga suspek.
Tatlo sa mga nasawing suspek ang napatay sa lugar na katabi ng tanggapan ng koopetiba na dalawang beses na umanong nahoholdap.
Matapos mapatay ang tatlong suspek, isang suspek pa na umano'y unang nakatakas mula sa grupo at sakay ng isang kotse ang napatay sa follow-up operation sa mismong town proper ng Malolos.
Sa naturang ikalawang sagupaan, isang pulis at isang sibilyan ang nasugatan.
Ayon sa pulisya, ilang beses na raw iniikutan ng grupo ang target na kooperatiba. Nitong Huwebes, namataan umano ang mga suspek na nagmamatyag sakay ng taxi.
Dahil dito, naglagay ng mga nakasibilyang pulis sa lugar ng kooperatiba bilang paghahanda sakaling umatake ang grupo. Kaya naman nang mangyari ang panloloob ng mga suspek, kaagad silang naharang mga awtoridad.
Pero sa halip na sumuko, nagpaputok umano ang mga suspek kaya gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng mga holdaper. -- FRJ, GMA News