ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

WATCH: Pulis, kinuyog ng mga lalaking sinita niya dahil susukahan daw ang kaniyang nobya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bugbog ang inabot ng isang pulis sa Davao City mula sa isang grupo ng kalalakihan na sinita niya dahil sa astang susukahan daw ang kaniyang nobya. Ang bugbugan, nakunan sa closed-circuit-television camera.

Sa ulat ni Sheilla Vergara-Rubio ng GMA-Davao sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera ng Public Safety and Security Command Center, na nakatutok sa Matina, Davao city.

Sa video, makikita ang isang grupo ng mga lalaki na pinagtutulungang gulpihin ang isang lalaki, na nakilalang si PO2 Ritchie Paul Lozano.
 
Natigil lang ang pambubogbog ng mga lalaki nang dumating ang mga rumespondeng pulis. Pero sa presinto, nagpatuloy ang away at sagutan ng mga sangkot sa gulo.



Ayon kay Lozano, nakita niyang susukahan ng isa sa mga lalaki ang kaniyang nobya nang patawid sila sa kalsada galing sa isang bar.

Kasabay ng pagsita, nagpakilala daw siyang pulis sa mga lalaki at pinagsabihan niya ang mga ito na huwag siyang lapitan.

Itinutulak daw niya ang mga lalaki dahil may intensiyon daw ng mga ito na kunin ang kaniyang baril.
 
Kuwento naman ng nobya ng pulis," May sumusunod sa amin na lalaki. Susuka na sana siya, sinita ng nobyo ko at sinabihang, 'huwag kang ganyan kasi nasa harap mo lang kami.' Pagtawid namin, may sumunod na isa pang lalaki, tapos ang dami na nila, pinagtulungan na nila ang boyfriend ko."

Nagtamo ng mga sugat sa mukha si Lozano dahil sa pambubugbog ng naturang grupo.

Pero depensa ng ilan sa mga nambugbog sa pulis, nanutok daw ito ng baril.

"Nag-burp lang ako tapos bigla siyang nanita sabay tutok ng baril sa akin," ayon kay Boler Manalao, kasama sa bumugbog sa pulis.

Sinampahan na ng reklamong attempted murder at direct assault ang apat na lalaking gumulpi sa pulis. -- FRJ, GMA News

Tags: watch