VP Binay, puwedeng ireklamo ng plunder dahil sa ‘Mafia-like’ scheme -- Cayetano
Maaari raw maharap sa panibagong reklamong pandarambong si Vice President Jejomar Binay dahil sa umano'y “systematic” at “Mafia-like” na paraan ng pagkamal ng iligal na yaman ng pamilya, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
“Nakikita [natin] yung pattern ng dummies na parang mala-Mafia. Bawat nakasama niya, naka-kontrata o naging close ay gagawing director o may-ari ng lupa at doon itatago [ang yaman],” pahayag ng senador sa media nitong Biyernes.
Basahin: Alan Cayetano: Tiu could also be laundering money for Binays
Aniya, bagaman inililipat ang mga titulo ng lupa sa iba't ibang tao, tinitiyak ng mga Binay na mayroon pa rin silang kontrol sa mga ari-arian sa pamamagitan ng law office Subido, Pagente, Certeza, Mendoza and Binay, kung saan ang anak ni Binay na si Makati Rep. Abigail Binay, dating kasapi ng law office.
“Bakit lahat ng kumpanya kung saan nilipat yung property ng mga Binay, yung mga abugado ng law office ng Binay ang nandun?” tanong ni Cayetano.
Sinikap ng GMA News Online na makuha ang panig ng kampo ni Binay pero hindi pa sumasagot si Cavite governor Jonvic Remulla, tagapagsalita sa pulitika ng pangalawang pangulo.
Pero ilang ulit nang itinanggi ni Binay ang mga alegasyon laban sa kaniya at sa kaniyang pamilya, at iginiit na pulitika ang motibo sa mga pag-atake sa kaniya.
Basahin: VP Binay chides Alan Cayetano for exposing kid’s Instagram pics
Ayon kay Cayetano, kasapi ng Senate Blue Ribbon subcommittee na nagsisiyasat sa mga umano'y iregularidad na kinasasangkutan ni Binay, maaaring plunder ang pinakamabigat na kaso na puwedeng isampa sa pangalawang pangulo.
“So far plunder ang pinakamabigat na lumalabas kasi systematic na pangungurakot niya ng mahigit P50 million [ang halagang involved],” anang senador, sabay sabi na tanging pagrekomenda lamang ng ikakaso ang maaaring gawin ng komite.
“Slowly it is being validated in the Senate, slowly parang tama yung theory na between 2010 and now [sinubukan] nilang i-launder o itago ang mga kayamanan. Kaya lang dahil ayaw ng pamilya Binay na mawalan ng control sa kanilang pag-aari kaya palpak yung pagtago nila,” dagdag ng senador.
Posibleng ginagawa umano ng mga Binay ang pananatilihin sa kanila ang kontrol sa mga ari-arian dahil sa pangamba na hindi ibalik sa kanila ng mga gagamiting dummy ang kanilang ari-arian.
“Tingin ko kung totoo yung ill-gotten wealth, ang problema ng mga Binay, on one hand, gusto nilang i-deny [yung property], on the other hand, ayaw nilang bitawan itong mga property na ito. The preponderance o yung bigat ng ebidensya is now against them,” paliwanag ni Cayetano.
Mula sa imbestigasyon ng umano'y labis na gastos sa pagpapatayo ng Makati City Hall building II, nakaladkad na rin ang malawak na lupain sa Rosario, Batangas, na sinasabing pagmamay-ari ni Binay, pero inaangkin naman ng negosyanteng si Antonio Tui.
“Pabigat nang pabigat yung ebidensiya. Ang nakikita ko lang kung talagang inosente ang Vice President ay yung pagsasalita niya at pagbibigay ng matinding ebidensiya,” ani Cayetano.
Nanawagan din ang senador sa mga supplier ng mga Binay sa Rosario, Batangas, na lumantad at sabihin sa publiko ang kanilang nalalaman.
“Napakaraming supplier. Yung iba kilala ko na, yung iba nakausap na ng staff namin, takot lang o tinatakot o kaya kaibigan nilang matalik, na sila mismo daw ang umorder, sila mismo ang gumawa, pamilya Binay mismo ang pumunta sa tindahan nila, namili maging muebles o gamit dun sa farm,” ayon sa senador. —FRJ, GMA News