ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

VP Binay, malayang makaaalis sa Gabinete – PNoy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Matapos magbigay ng ilang kritisismo si Bise President Jejomar Binay laban sa kasalukuyang administrasyon, pinapipili siya nitong Lunes ni Pangulong Benigno Aquino III na magbigay ng mga solusyon o umalis na lamang sa Gabinete nito.
 
"Kung palagay niya may kulang, miyembro siya ng Gabinete, abisuhan niya kami," ani Aquino sa mga mamamahayg sa isang interview sa Calamba City sa Laguna.
 
"Kung palagay niya, mali ang direksyon namin, malaya siya na 'di sumama sa ating kilusan," dagdag pa nito.
 
Sa isang namang pahayag, sinabi naman ni Binay na nanatili ang mataas na respeto nito sa Pangulo.
 
"I have the highest respect for President Aquino and I will continue to be a team player," aniya.
 
Si Binay ay humaharap sa kaliwa't kanan na mga paratang ng kurapsyon at pagkakamal umano ng iligal na yaman. Paulit-uli namang itinanggi ng Bise Presidente ang mga paratang laban sa kanya. Aniya, nagsimula ang lahat ng panlilibak sa kanya simula noong magdeklara siya ng pagtakbo sa darating na eleksyon sa 2016.
 

Nangunguna ngayon sa mga survey si Binay bilang kandidato sa pagkapangulo. 
 
Nahaharap din ang Bise Presidente sa isang imbestigasyon sa Senado kaugnay ng diumano'y "overpricing" sa pagpaptayo ng Makati Parking Building II at ang pagmamay-ari umano nito sa isang 350-ektaryang lupain sa Batangas.

Mga tirada ni Binay
 
Sa isang pahayag noong nakaraang buwan, sinabi ni Binay na hindi pa rin ginagawa ng tama ng administrasyong Aquino ang ilang mga bagay matapos ang apat na taon sa termino nito. Ipinakitang halimbawa ni Binay ang mga naging problema tulad ng port congestion, ang inaasahang power crisis sa 2015, at ang umano'y pagtaas ng kriminalidad sa bansa.
 
Ngunit ayon kay Aquino: "Kung may solutions siya parang hindi ko yata narinig sa pagpupulong ng Gabinete itong mga solutions na ito. Siyempre ang tanong bakit hindi niya sini-share?" 
 
Gayunpaman, binaggit din naman ng Pangulo ang mga nagawa ni Binay bilang tagapangulo ng mga programang pabahay.
 
Noong nakaraang buwan, binanatan din ni Binay si Justice Secretary Leila de Lima, na kasapi rin sa Gabinete ng Pangulo. 
 
Ayon sa Bise Presidente, tila inuunang asikasuhin ni de Lima ang imbestigasyon sa diumano'y "overpricing" sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building II kaysa sa pagsasampa ng kaso sa mga opisyal ng gobyernong nakinabang sa Disbursement Acceleration Program o DAP. 
 
Paghihiwalay ng landas?
 
Si Binay ay malapit sa pamilya Aquino, ngunit sa mga ikinikilos ng Pangulo, ipinapakita nito na maaaring nagbago na ang ihip ng hangin.
 
Noong Setyembre, nagdaros ng isang salu-salo ang mga kaalyado ng Pangulo ngunit hindi naimbitahan si Binay.
 
Noong nakaraang buwan naman, inamin ni Aquino na hindi siya pumayag sa pakiusap ni Binay na kausapin ang mga senador na nangunguna sa pagdinig sa Senado. Pinasinungalingan din ni Aquino ang pahayag ni Binay na sinubukan niyang bigyan ng tulong ang huli sa mga kontrobersiyang kinakaharap nito.
 
Patuloy naman na sinasabi ng kampo ni Binay na nananatiling kaibigan at kaalyado ng Bise Presidente ang Pangulo. — Rouchelle R. Dinglasan/RSJ, GMA News