ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Holdaper na umatake sa Mother Ignacia sa Q.C., may plakang '8' ang gamit na SUV


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang holdaper na gumagamit ng sasakyang silver Toyota Innova na may plakang "8," na gamit sa sasakyan ng mga congressman, ang nakunan sa closed-circuit-television camera na dalawang beses nakapambiktima sa Mother Ignacio St. sa Quezon City.
 
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA news 24 Oras nitong Martes, ipinakita ang bahagi ng kuha sa CCTV habang nakikipaghatakan ng bag sa suspek ang isang babaeng call center agent sa nabanggit na kalye.

Sa video, makikita na tila may itinututok ang suspek sa biktima na mabilis na sumakay sa Innova at tumakas patungong EDSA nang makuha ang bag ng babae.



Bago ang naturang krimen, isang katulad na pag-atake rin ang naganap noong Biyernes sa nabanggit ding lugar sa isa ring babae na call center agent noong Oktubre 31.

Ayon sa ikalawang biktima na nakuhanan din ng bag, may dalang baril ang suspek na tumakas sakay ng nabanggit na Innova.

Sa pag-aaral ng mga awtoridad sa mga kuha ng CCTV, lumilitaw na nagmamatyag daw muna ang suspek bago umatake sa biktima na galing sa MRT station.
 
Ayon sa kapitan ng barangay na si Larry Handayan, tila tinitiyempuhan ng suspek ang pagdating ng tren ng MRT para makapambiktima ng mga pasaherong naglalakad patungo sa Mother Ignacia St.

Dahil sa magkasunod na insidente, ipinagbawal na ang pagpa-park ng mga sasakyan sa kahabaan ng Mother Ignacia.

Nagdagdag din ng CCTV ang barangay sa iba pang matataong lugar. -- FRJ, GMA News

Tags: crime, holdup