Suspek sa paghahagis ng granada sa isang police station sa Tondo, napatay ng mga pulis
Napatay ng mga pulis nitong Huwebes ng gabi ang suspek sa paghahagis ng granada sa isang police station sa Tondo, Maynila noong nakaraang buwan.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV's News To Go nitong Biyernes, sinabing dakong 8 p.m. nang puntahan ng mga operatiba ang suspek na si Armando Castro sa hideout nito sa North Bay Boulevard South, Market 3 sa Navotas City.
Nang malaman ang pagdating ng mga awtoridad, nagpaputok daw kaagad si Castro. Dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan sa ulo ang suspek na ikinamatay nito.
Isang pulis naman ang nabaril ni Castro pero tumama ang bala nito sa suot na bullet proof vest.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang isang baril, mga basyo ng bala, at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
Si Castro ang itinuturong nasa likod ng paghahagis ng granada noong nakaraang buwan sa Station 1 ng Manila Police District sa Balut, Tundo.
Bukod dito, nahaharap din daw si Castro sa mga kasong frustrated murder sa Quezon City, illegal possession of firearms sa Navotas, at possession of illegal drugs sa Malabon. -- FRJ, GMA News