ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

P24M, gagastusin para sa pagpunta ni PNoy sa China at Myanmar


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinatayang aabot P24 milyon ang gagastusin ng gobyerno ng Pilipinas para sa paglabas ng bansa ni Pangulong Benigno Aquino III upang dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation-Economic Leaders' meeting at Association of Southeast Asian Nations summit.

"Ayon... kay Executive Secretary Paquito Ochoa Jr, gugugol ang pamahalaan ng P24 million sa pagdalo ng Pangulo sa dalawang mahalagang pulong pangrehiyon ng APEC sa China, at ASEAN sa Myanmar mula ika-10 hanggang ika-13 ng Nobyembre," ani Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr.

Matatandaang umalis si Aquino papuntang Beijing, China ngayong araw ng Linggo.

Kabilang sa lupong kakatawan sa bansa na kasama ng Pangulo ay sina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, Trade Secretary Gregory Domingo, Finance Secretary Cesar Purisima, Socio Economic Planning Secretary Arsenio  Balisacan, Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, Assistant Secretary Susan Arnaiz, Presidential Management Staff Chief Julia Andrea Abad, at Presidential Protocol Chief Celia Anna Feria.

Kasama naman sina Cabinet Secretary Jose Rene Almendras at Coloma sa lupong kakatawan sa bansa sa Myanmar para sa ASEAN Summit.

Inaasahang bunga

Ayon kay Aquino sa kanyang talumpati bago lumipad papuntang China nitong araw ng Linggo, ibibida niya sa mga bansang bibisitahin ang investment opportunities sa bansa.

Bukod dito, tatalakayin din niya ang iba't ibang paksa tulad ng maliliit na negosyo, mabuting pamumuno, at ang pagiging handa sa mga sakuna.

"Isa-isa natin silang hihikayatin na palaguin ang kanilang puhunan sa pagtatayo o pagpapaunlad ng kanilang negosyo dito sa atin,” aniya.

Dagdag pa ng Pangulo, "Ilan lang po sa mga paksang pag-uusapan dito ang epektibong paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad, ang pagpapaunlad ng ating small, medium and micro enterprises, at ang pagsusulong ng mabuting pamamahala.”

"Bilang chair at host ng APEC sa susunod na taon, ipapamalas natin ang kahandaang magsilbing lunsaran ng pag-arangkada ng ating mga ekonomiya tungo sa malawakan at pangmatagalang kaunlaran."

Usaping pangkaayusan

Bukod sa mga nabanggit, ipapahayag din ni Aquino ang posisyon at binabalak na gagawin ng Pilipinas hinggil sa usapin ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Ayon kay Aquino, "Ilalatag din natin sa kanila ang ating saloobin ukol sa mga hamon at isyung kinahaharap natin ngayon, pati na ang mga kaukulang hakbang upang mapanatili ang kaayusan sa ating rehiyon.”

Ilan sa mga paksang tatalakayin ang pangangalaga sa mga manggagawang dayuhan, ang laban kontra human trafficking, climate change, at ang paghahanda laban sa pagkalat ng Ebola virus. — Bianca Rose Dabu /LBG, GMA News