Kawalan ng suot na protective gear ng ilang sumalubong sa Pinoy peacekeepers, ipinaliwanag
Ipinaliwanag ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang dahilan kung bakit walang suot na protective gear ang ilang tauhan ng pamahalaan na sumalubong sa 133 Filipino United Nations peacekeepers na dumating sa bansa mula sa Liberia, kung saan may mga kaso ng Ebola virus.
Sa panayam ng GMA news Unang Hirit nitong Huwebes, sinabi ni DOH-OIC Janette Garin, na tanging sa mga insidente na may pinaghihinalaan o sintomas ng Ebola virus case lang kailangang magsuot ng full-body protective gear ang tauhan ng pamahalaan.
"'Pag sasalubong ka sa isang tao na walang sintomas ng Ebola, hindi kailangan magsuot ng personal protective gear. Isinusuot mo lang ito 'pag ikaw ay nagha-handle ng pasyente na may sintomas," ayon sa opisyal.
"Uulitin po namin, ang Ebola ay nakahahawa at nakakamatay pero hindi siya nakakahawa kung wala pang sintomas ang pasyente," dagdag ni Garin.
Dumating sa bansa ang mga Pinoy peacekeeper nitong Miyerkules.
Noong Linggo, inihayag ni Lt. Col. Harold Cabunoc, pinuno ng publiac affairs ng Armed Forces of the Philippines, na pumasa sa Ebola screening tests sa Liberia ang mga Pinoy peacekeeper.
Gayunman, sa hiwalay ng GMA news Saksi nitong Miyerkules ng gabi, sinabing nakasuot ng protective gear ang drayber ng bus na nagdala sa mga peacekeeper sa Cavite.
May suot din umanong mask at glove ang mga tauhan ng militar na nag-asikaso sa mga bagahe ng mga peacekeeper na 21 araw na mananatili sa Caballo islands para sa quarantine.
Maging ang mga sasakyan na ginamit para sa mga peacekeeper ay isa-sanitize.
Kaugnay nito, iginiit ni Garin na ligtas ang mga protective gear na gagamitin ng mga health worker kapag nakarating sa bansa ang Ebola.
Ang pahayag ni Garin ay taliwas sa alegasyon ng militant health workers na nagsagawa ng protesta nitong Miyerkules.
Ayon kay Joseel Ebesate, presidente ng Alliance of Health Workers, iba ang iprinisentang protective gear sa press conference noong Oktubre ni Health Secretary on leave Enrique Ona sa mga ipinagamit na kasuotan sa ginagawang pagsasanay,
Ipinakita ng mga nagpoprotesta ang pagtagos ng likido sa suot na protective suit.
Pero duda si Garin na suot ng mga nagprotesta at kapareho ng protective suit na binili ng gobyerno.
"Ang hazmat suit sobrang mainit. Kung (sa) rally ka tapos suot mo, ang hirap sa sobrang init," anang opisyal.
"Naka-preposition sa iilang hospital and ilang regional center, gagamitin lang kung kinakailangan. Kasi buwis ang bumili noon, hindi pwede basta-basta ipapamigay," dagdag niya. —FRJ, GMA News