Babaeng pinagpakitaan daw ni Virgin Mary sa panaginip, nakagagamot umano ng sakit
Dinadayo ngayon ng mga may karamdaman ang isang babae sa bayan sa Negros Occidental dahil nagagamot daw nito ng iba't ibang sakit gamit ang langis na lumabas umano sa kaniyang kamay.
Ayon sa ulat ni Erwin Nicavera ng GMA-Bacolod sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing nitong Oktubre lang nagsimulang manggamot ang 31-anyos na si Rhea Gonhoran makaraang magpakita sa kaniyang panaginip ang Birhen Maria.
Nakagagamot daw si Gonhoran sa pamamagitan ng langis na lumabas sa kaniyang kamay at tubig mula sa isang balon na ipinahukay daw sa kaniya ng Birheng Maria.
Matapos ang gagawing paghaplos sa katawan ng may sakit ng langis mula sa kaniyang kamay, paiinomin niya ito ng tubig mula sa balon, at ipapatong ang pigura ng Birheng Maria sa pasyente.
Isa raw si Aling Lolita na mahigit isang linggo raw na nagsusuka ng dugo sa napagaling ni Gonhoran.
Pero paglilinaw ni Gonhoran, hindi siya naniningil ng bayad sa kaniyang mga pasyente.
Ayon pa sa kaniya, nitong nakaraang ikalawa ng Nobyembre, lumuha ang estatwa ng Birheng Maria habang nagrorosaryo siya kasama ang ilang residente.
Gayunman, hindi naman kaagad itinuturing ng Simbahang Katolika na milagro ang umano'y pagluha ng Birheng Maria.
Pahayag ni Father Felix Pasquin, chairman ng Diocesan Commission on Social Community, nangangailangan ng masusing imbestigasyon ang umano'y himala.
"Wala namang ebidensiya na natanggap ang simbahan, posibleng hindi iyan milagro," ayon kay Fr. Pasquin. -- FRJ, GMA News