ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paaralan sa Cebu City, nabulabog dahil sa bomb threat na kumalat sa text


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagkagulo sa isang paaralan sa Cebu City matapos sumugod ang mga magulang ng mga estudyante. Ang mga magulang, nagkagulo dahil nakatanggap daw sila ng text message na may nambomba at namaril sa paaralan.

Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, nakunan ng video ang pagsugod ng mga magulang sa Inayawan Elementary School nitong Huwebes ng umaga para sunduin ang kanilang mga anak.

Sinubukan pa ng mga guwardiya na pigilan ang mga magulang na mapasok sa paaralan pero nabigo sila.



Ayon sa pulisya, may natanggap din sila ng impormasyon na may maglalagay ng bomba sa paaralan kaya nagtalaga sila ng mga pulis sa loob at labas ng eskwelahan.

Pero matapos ang masusing pag-inspeksiyon, wala namang nakitang bomba.
 
Ayon sa pulisya, maling balita ang nakarating sa mga magulang.
 
Ang principal ng paaralan, nakiusap sa mga magulang na kumalma. At para mapanatag ang kalooban ng mga tao, sinuspinde na lang muna ang klase sa paaralan.

Nitong Biyernes, balik na muli ang klase pero may ilang estudyante ang hindi pa rin ang hindi pinapasok ng mga magulang sa pangamba nilang magkatotoo ang banta ng pambobomba.

Sisikapin naman daw ng pulisya na matukoy kung sino ang nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa text. -- FRJ, GMA News

Tags: bombthreat, hoax