Lalaking bibisita sa mga magulang, inagawan ng kotse at pinatay pa sa Q.C.
Nakunan sa closed-circuit-television camera ang pagbaril at pag-agaw sa kotse ng dalawang salarin sa lalaking real estate manager na dumadalaw lang sa kaniyang mga magulang sa Quezon City noong Martes.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, ipinakita ang bahagi ng kuha sa CCTV sa nangyaring pagpatay kay Alejandro Hilario, sa tapat mismo ng bahay ng kaniyang mga magulang sa barangay Santol, Quezon City.
Sa video, makikita ang biktima habang ipinaparada ang kaniyang kotse sa gilid ng kalsada. Nang bumaba ng sasakyan ang biktima, nilapitan na ito ng dalawang suspek at agad na binaril.
Makikita rin sa video na muling pinaputukan pa ng suspek si Hilario kahit nakatumba na sa kalye.
Tumakas ang mga suspek dala ang kotse ni Hilario, na binawian ng buhay sa ospital dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Hinala naman ng kapatid ng biktima, matagal nang minanmanan ng mga suspek ang kilos ni Hilario dahil tuwing Martes lang daw sila nagpupunta sa bahay ng kanilang magulang.
Posible rin daw na hindi lamang pagnanakaw ng sasakyan ang motibo sa krimen, bagaman wala silang maisip na kaaway ng biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis sa krimen, habang umaasa ang pamilya Hilario na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay nito. -- FRJ, GMA News