ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kidnappers, naghahanap na rin daw ng tatargetin sa social media sites


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinag-iingat ng mga awtoridad ang publiko sa paggamit ng social media gaya ng Facebook dahil ginagamit na rin umano itong kasangkapan ng mga kidnap for ransom group upang maghanap ng kanilang bibiktimahin.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabi ng car dealer na si Boy Evangelista, opisyal ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC), na mahilig siya noong mag-Facebook dahil nagagamit niya itong paraan upang ma-advertise ang mga ibinebentang kotse.

Pero matapos ang karumal-dumal na pagpatay sa kaniyang anak na si Venson, na sinunog pa ang katawan, inalis na raw niya ang kaniyang FB account.



Naniniwala si Evangelista na madaling makakuha ng impormasyon ang mga kidnapper sa kanilang bibiktimahin dahil sa mga personal na impormasyon tungkol sa user at mga lugar na pinupuntahan nito.

Ayon sa Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police, sa 43 na kaso ng kidnapping na kanilang hinawakan ngayong taon, limang kaso nito ang may kaugnayan sa social media.

Paalala ng pulisya, dapat maging maingat ang publiko sa mga inilalagay na larawan ng kanilang ari-arian, tulad ng mga bagong gamit lalo na ang mga mamamahaling sasakyan.

Dahil umano sa mga makikitang impormasyon sa FB, malalaman ng kidnapper ang kakayahan sa buhay ng biktima, ayon kay Police Sr. Supt. Rene Aspera, hepe ng PNP-AKG,

Delikado din daw ang pagta-tag ng mga kaanak, lalo na ang mga bata na higit na aktibo sa social media at mas madalas magpost ng updates sa sarili.

Dagdag ni Aspera, nasusundan din ng mga kidnapper ang galaw ng bibiktimahin kung magpopost dito ng mga aktibidad.

Payo naman ni Evangelista, kung hindi kayang itigil ang paggamit ng social media, limitahan na lamang ang mga impormasyon na ilalagay dito at maging maingat.

Gayunman, kung nagagamit ng masasamang-loob ang social media sa kanilang masamang gawain, nagagamit din naman daw ito ng pulisya para mahanap din ang ilang kriminal. -- FRJ, GMA News