ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Asong pinagbintangan daw na pumatay sa mga manok, tapyas ang nguso sa taga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Desidido ang isang may-ari ng aso na sampahan ng reklamo ang kaniyang kapitbahay dahil sa pagtaga raw nito sa nguso ang kaniyang alaga sa Iloilo.

Sa ulat ni Jennifer Munieza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabi ni Linda Ponte ng San Enrique, Iloilo, na nawala ang sigla ng kaniyang asong si "Cooper" dahil sa nangyari sa nguso nito na nakalaylay na.

Kuwento ni Linda, nagulat siya nang makita ang duguang bibig ng kanyang alaga noong nakaraang Biyernes. Galing daw ang aso sa kanilang kapitbahay kaya pinuntahan niya ito para tanungin kung ano ang nangyari sa kaniyang alaga.

Subalit itinanggi raw ng kapitbahay na sinaktan nito ang aso at sinabing itinapon lang niya sa labas.

Pero nalaman daw ni Linda sa iba na pinagbintangan daw ng kanilang kapitbahay si Cooper na pumatay sa mga alaga nitong manok kaya nito tinaga ang aso gamit ang itak.

Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang kaptbahay ni Linda na nanakit umano sa kaniyang alaga pero wala ito sa bahay.

Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng inirereklamo.

Desidido naman si Linda na magsampa ng reklamo laban sa kapitbahay.

Pinag-iisipan na rin niya itong idulog sa Philippine Animal Welfare Society.

Ayon sa Ilongo Pawrents, grupo ng Ilonggo Veterinarians at Animal Welfare Advocates, tutulong sila para maisailalim si Cooper sa isang reconstructive surgery.

Si Cooper ay isang mixed breed ng Japanese Spitz at Rottweiler. -- FRJ, GMA News