Magkasintahang nasawi sa aksidente, nais pa ring maikasal ng kanilang mga magulang
Matapos masawi sa isang aksidente sa Iloilo City ang isang magkasintahan na halos isang dekadang magkarelasyon, ninais ng kanilang mga magulang na maikasal pa rin ang dalawa kahit nakaburol na.
Sa ulat ni Jennifer Munieza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing nasaksihan ng mga magulang nina Katkat Yara at JR Nava ang wagas na pagmamahalan ng dalawa.
Kaya naman matinding kalungkutan ang kanilang naramdaman nang hindi umabot sa kasalan ang kanilang pagmamahalan ng dalawa matapos masawi noong Nobyembre 18 sa isang aksidente sa Mandurriao District, Iloilo City.
Ang wagas na pag-iibigan ng dalawa hanggang sa kabilang-buhay ay bahagyang nakabawas naman sa sakit na kanilang naramdaman.
“Siguro nangako sila sa isa't isa na kahit sa pagkamatay magkakasama pa rin silang dalawa,” ayon kay Julio Nava, ama ni JR.
Bunsod nito, nagdesisyon ang mga magulang ng magkasintahan na ipakasal pa rin ang dalawa kahit na pumanaw na.
Ngunit hindi maisasakatuparan ang seremonya ng kasal sa dalawa. Ayon sa nakausap nilang pari ng Simbahang Katoliko, hindi pinapayagang ikasal ang mga sumakabilang-buhay na.
Kaya naman sa halip na kasal, binasbasan na lamang ng pari ang magkasintahan sa isang seremonya nitong Sabado. Dumalo rin ang mga kaanak at kaibigan ng magkasintahan, at nagsama-sama sila tulad ng sa isang kasalan.
Matatandaang naging viral pa ang isang larawan ng seremonya sa social media matapos itong i-upload ng isa sa mga dumalo, at naantig ang puso ng netizens sa wagas na pagmamahalan ng magkasintahan.
Hindi man naikasal nang sila'y nabubuhay pa, naging iisa pa rin ang pag-ibig nila hanggang sa kabilang-buhay. -- BRoseDabu/FRJ, GMA News