ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

30ft. na lalim ng butas sa lupa, lumitaw sa Cebu sa paghupa ng bagyong 'Queenie'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa paghupa ng bagyong "Queenie," bumulaga ang sinkhole sa bayan ng Badian sa Cebu na may lalim na 30 talampakan at lapad na limang metro.
 
Sa ulat ng late night news Saksi nitong Biyernes, sinabing nilagyan ng cordon ang paligid ng sinkhole sa barangay Banhigan dahil madalas itong daanan ng mga magmomotorsiklo.

Palatandaan umano ang sinkhole na may deposito ng limestone sa lugar.

Una rito, inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources, na palikasin ang mga nakatira malapit sa paligid sa sinkhole.

Kuwento ng ilang residente, nakarinig sila ng malakas na kalabog habang bumubuhos ang malakas na ulan na dala ng bagyong "Queenie."



Samantala, sa pag-alis sa bansa ni "Queenie," ilang bayan ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa pananalasa ng bagyo.

Kabilang sa mga nagdeklara ng state of calamity ay ang bayan ng Araceli sa Palawan, at mga bayan ng Jagna at Duero sa Bohol.

Apat katao umano ang nasawi sa buong lalawigan ng Bohol dahil sa bagyo.

Kumpirmado rin umano ang pagkasawi ng apat katao sa lalawigan naman ng Negros Oriental, ayon sa ulat ng Saksi.

Nasira naman ang Tampocon bridge, na nagkokonekta sa Dumaguete at Guihulngan.

Hindi rin nakaligtas kay "Queenie" ang Saliring bridge sa Malabuyoc, Cebu. -- FRJ, GMA News