Asong tinaga sa nguso, isinailalim sa reconstructive surgery sa Iloilo
Isinailalim sa operasyon ang aso na lumaylay ang nguso matapos na tagain umano ng kanilang kapitbahay dahil sa pag-aakalang ito ang kumain sa kaniyang alagang manok sa San Enrique, Iloilo.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing tumagal ng may dalawang oras ang isinagawang operasyon sa asong si "Cooper" sa tulong ng local veterinarians and animal welfare advocates sa lalawigan.
Matapos maibalik sa dati ang nguso ni "Cooper," inirekomenda ng mga beterinaryo na huwag nang ibalik ang aso sa kaniyang lugar dahil nakaranas daw ito ng matinding trauma.
Naunang naibalita na nakita ng amo ni Cooper na tapyas na ang nguso nito mula sa bahay ng kaniyang kapitbahay. (Basahin: Asong pinagbintangan daw na pumatay sa mga manok, tapyas ang nguso sa taga)
Itinanggi raw ng kapitbahay na sinaktan nito ang aso pero nalaman niya sa iba na tinaga ito ng kapitbahay dahil sa pag-aaakalang ito ang kumain sa kaniyang alagang manok.
Si Cooper ay may lahing Japanese spitz at Rottweiler. — FRJ, GMA News