Pamilya ng 2 sundalong dinukot daw ng NPA sa Bukidnon, nanawagan ng tulong
Nananawagan ng tulong ang mga kaanak ng dalawang sundalong dinukot umano ng New People's Army sa Impasug-ong sa Bukidnon.
Sa ulat ng GMA News TVs Balita Pilipinas Ngayon, sinabing Agosto nang mapabalita ang umano'y pagdukot ng mga rebelde sa mga sundalong sina Private First Class Jerrel Yorong at Marnel Cinches.
Nitong Huwebes, nakipagpulong ang pamilya ng dalawang sundalo sa Iglesia Filipina Independiente.
Napag-usapan umano sa pulong ang kalagayan ng mga sundalo at ang gagawing negosasyon para mapalaya na sila.
Humihingi na rin ng tulong ang pamilya ng dalawang sundalo sa lokal na pamahalaan ng Bukidnon.
Nauna nang sinabi ng mga rebelde na palalayain nila ang mga sundalo kung ititigil ng militar ang kanilang operasyon sa ilang lugar sa Mindanao.
Wala pang pahayag kaugnay nito ang militar at ang pamahalaang panlalawigan ng Bukidnon. -- FRJ, GMA News