ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pampasaherong jeepney, naaksidente sa Davao City; 12 pasahero, sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bumangga ang isang pampasaherong jeepney sa steel barriers sa gilid ng kalsada sa Davao city na nagresulta sa pagkakasugat sa 12 sakay nito.

Sa ulat ni Marlon Palma-Gil ng GMA Davao sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing naganap ang insidente sa barangay Dumoy, Davao City.

Paliwanag ng drayber na si Ruel Portugaleza, nag-auto lock ang manibela nang aksidenteng tamaan ng kanyang tuhod ang susi ng jeep habang bumibiyahe.

Hindi na umano niya makontrol ang manibela kaya bumangga ang jeep sa steel barriers sa gilid ng highway.

Napinsala ang harapan ng jeep at nabasag pa ang windshield.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung anong dapat panagutan ng drayber sa nangyari.



Samantala, sugatan ang limang sakay ng dalawang motorsiklo na nagbanggaan naman sa Tulip Drive sa nabanggit ding lungsod nitong Biyernes madaling araw.

Ayon sa ilang nakakita, mabilis ang pagpapatakbo ng rider ng nakabanggang motorsiklo na si Al Franco Padilla.

Nahagip nito ang paliko na sanang motorsiklong minamaneho naman ni Jay-ar Avenido.

Hindi umano nag-signal light sina Avenido nang mangyarin ang insidente, ayon sa mga saksi.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya kung sino ang dapat mananagot sa nangyari. -- FRJ, GMA News