Kampanya sa ‘maling impormasyon’ vs. APECO, ibinulgar sa Senado
Inihayag ng isang resource person sa pagdinig ng Senado ang umano'y kampanya sa pagpapakalat ng maling impormasyon na itinutulak ng isang grupong kontra sa Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority.
Sa pagdinig sa 2015 budget ng APECO, inamin ni Regina Eneria, isang Dumagat leader, na hindi niya naunawaan noon ang ukol sa layunin ng ecozone.
“Ang sinasabi ay kukunin daw iyong aming lupain. Kaya po pumayag kami na magkaroon ng petisyon sa Supreme Court. Kaya po noong nalaman ko nang makipag-usap ako sa taga-ecozone, hindi naman pala totoo na kukunin iyong lupain namin, gumawa rin po ako ng salaysay ko para ipasa sa Supreme Court na wala na, hindi naman totoo na inaagawan kami ng lupa ng ecozone,” diin ni Eneria, na laging kasama noon sa mga protesta laban sa APECO.
Sinabi pa niya, “Kung mayroon mang mang-aagaw ng lupa [sa Casiguran, Aurora], alam ko si Mayor Bitong – na dating kasama sa board of director ng ecozone ng APECO.”
Aniya, makalipas ang ilang taon, binalak ng karamihan sa mga Dumagat na kasuhan si dating Casiguran Mayor Reynaldo Bitong dahil sa “land-grabbing” ng Dumagat ancestral land (kasama ang burial site) sa Casapsapan.
Ikinagulat pa umano niya at ng kaniyang grupo nang Makita si Bitong kasama si Fr. Joefran Talaban, isa pang kilalang anti-APECO leader.
Sinusubukan ng APECO na kunin ang reaksyon ni Mayor Bitong, ngunit mahirap ma-contact ito dahil mahina ang cell signal sa Aurora.
Nauna nang ipinahayag ni Bitong ang kanyang pagtutol sa APECO dahil hindi siya nakunsulta ukol sa proyekto.
Ngunit iginiit ni Eneria: “Nagulat ako noong mag-usap ang [National Commission on Indigenous People], Dumagat at [DENR] para ma-relocate ulit iyong aming reserbasyon. Nagulat po ako, dahil parang basta na lang kumampi na sa amin si Mayor Bitong. Para ba mapagtakpan iyong reserbasyon na kinuha niya, na inagaw niya mula sa mga Dumagat?”
Sa nasabing pagdinig, muling iginiit ni Eneria na sangkot si Bitong sa mining operations San Ildefonso Peninsula.
Nang maisabatas aniya ang APECO, natigil ang ganitong gawain kasama ang illegal logging sa nasabing lugar. Taliwas sa mga alegasyon, mabilis na tumugon ang APECO na nagbigay ng proteksyon para maisalba ang special flora and fauna ng peninsula.
“Doon po kami nagpapasalamat dahil, una, inaalagaan nila iyong aming forest, tinutulungan iyong mga Dumagat…sa totoo lang po, iyong mga Dumagat na nagkakasakit at nag-aaral, malaki pong tulong iyong binibigay ng ecozone sa mga Dumagat,” ani Eneria.
Sinabi din nito na pilit siyang pinananiwala na kapag maitayo ang APECO, magiging entertainers o GROs ang lokal na kababaihan.
Nagdesisyon aniya siyang humarap sa Senado dahil hindi na nito masikmura ang mga panloloko at kasinungalingan na ikinakalat ng grupo ng anti-APECO.
“APECO has been subjected to various negative allegations, including land-grabbing and encroachment of the ancestral lands of indigenous peoples. We have worked doubly hard to resolve and clarify these, because no such incidents ever occurred,” ayon naman kay APECO President and Chief Executive Officer Atty. Gerardo Erquiza.
Pinaliwanag nito na unti-unti nang nalilinawan ang isipan ng mga katutubo at iba pang residente ng Casiguran sa paglabas ng mga negatibong isyu laban sa APECO.
Kamakailan, nagpahayag ng suporta sa pamamagitan ng Manifesto of Support ang mga barangay captain ng Casiguran kaugnay sa APECO project.
Matatandaang inakusahan ng ilang mga magsasaka sa Casiguran ang APECO na hinarang nito ang proseso sa "renewal of stewardship contracts" ng mga magsasaka doon.
Nauna nang iginiit ni Senator Sergio Osmeña III na bigyan lamang ng P40 milyon bilang caretaker budget ang APECO sa halip na P250M dahil sa, aniya, "it is just a waste of people’s money." — Linda Bohol/LBG, GMA News