Sen. Jinggoy, nangangambang matulad kay Bong Revilla ang kaniyang bail petition
Nagpahayag ng pangamba si Senador Jinggoy Estrada na matulad sa kaniyang kaibigang si Senador Ramon "Bong" Revilla, Jr., ang kaniyang petisyon para makapagpiyansa sa kasong plunder na kinakaharap sa Sandiganbayan.
"Ako ay nangangamba na baka magkaroon ng adverse effect sa bail hearing ko dito sa Fifth division," ayon kay Estrada matapos dumalo sa kaniyang huling bail hearing para sa taong ito.
Nitong Martes, naglabas ng desisyon ang Sandiganbayan First Division na nagbabasura sa bail petition naman ni Revilla na nahaharap din sa hiwalay na kasing plunder at graft kaugnay ng umano'y pork barrel scam.
Sakabila nito, tiwala si Estrada na mahina ang ebidensya laban sa kaniya at papayagan siya ng anti-graft court na makapagpiyansa.
Aniya, "Ako ay naniniwala naman at kompiyansa na malakas ang aking mga argumento at hanggang ngayon wala pa silang ipiniprisentang malakas na ebidensya na ako ay involved nga sa scam. Katulad nga ng mga sagot ni Benhur Luy sa cross examination, sa lahat ng tanong ng aking mga abogado, wala siyang nakita o hindi siya nagbigay ng pera sa akin.”
Inaakusahan sina Estrada at Revilla ng magkahiwalay na reklamong graft at plunder matapos umanong makipagsabwatan sa negosyanteng si Janet Lim Napoles upang makakuha ng komisyon sa pondo sa pamamagitan ng paglalaan ng pork barrel funds sa mga pekeng NGO umano ni Napoles.
Nalulungkot naman si Estrada na hindi napagbigyan ang petisyong makapagpiyansa ng kaibigang si Revilla, na pinaniniwalaan niyang inosente sa kaso.
"Ako ay labis na nalulungkot sa pag-deny ng First Division ng Sandiganbayan ng bail sa aking kaibigan at kasama sa Senado na si Sen. Bong Revilla. Ako ay naniniwala, hindi dahil kaibigan ko siya o dahil ako ay isa ring akusado dito sa PDAF scam. Ako ay naniniwala na malinis ang konsensiya ni Sen. Revilla," ayon sa Estrada.
Sinabi Estrada at Revilla ay kapwa nakadetine sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City. --BRDabu/FRJ, GMA News