ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Ano nga ba talaga? Bakit nagkakaiba ang mga forecast sa Bagyong Ruby
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nakabantay na ang lahat habang papalapit ang Bagyong Ruby (Hagupit) sa Pilipinas, at ang tanong ng marami: Saan nga ba ito dadaan at saan ito papunta?
Nitong Huwebes, matapos pumasok ang nasabing bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR), inilabas ng I M Ready ang pinagsama-samang forecast ng paggalaw ni Ruby mula sa ilang international weather agencies:
Ngunit alin nga ba sa mga ito ang tunay na dadaanan ng bagyo, o pinakamalapit sa totoong daraanan nito?
Ang pinakamainam na gawin sa ngayon ay sundan ang balita at magkaroon ng ibayong pag-iingat base sa mga impormasyong inilalaan ng mga ahensya. Bawat isa sa mga ito ay gumagamit ng iba-ibang measuring systems at formula upang makabuo ng forecast hinggil sa lakas ng bagyo at sa maaaring daanan nito.
Halimbawa, bukod sa computer models, isinasaalang-alang rin ng PAGASA ang dinaanan ng mga nakaraang bagyo tuwing bahaging ito ng taon.
Mga pagkakaiba
Ayon sa HurricaneScience.org, nagkakaiba-iba talaga ang forecast ng mga ahensya dahil sa iba't ibang galaw ng bawat bagyong inoobserbahan ng mga ito.
Para sa ibang mga bagyo, ang mga bagay na nakaaapekto sa daraanan ng mga ito ay madaling sundan at obserbahan kaya naman nakagagawa ng wastong forecast ang mga ahensya. Kadalasan pa, pare-parehas sila ng inilalabas na forecast.
Pero sa ibang bagyo, mas mahirap unawain ang mga bagay na nakaaapekto sa daraanan ng mga ito, kaya nagkakaiba ang mga forecast na inilalabas ng mga weather agencies.
Dagdag pa ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) ng Estados Unidos, maraming pagkakaiba ang mga forecast models. May ilan na payak na kayang gawin sa isang ordinaryong computer, at may ilan naman na kinakailangan ng ilang araw sa mga supercomputer para iproseso.
Alam rin ng mga siyentipiko ang hangganan ng pagbuo ng weather at hurricane forecast. Kahit na magkaroon ng "perpektong" forecast model na makapagpapakita ng lahat ng bagay na nakaaapekto sa paggalaw ng bagyo, mayroon pa ring mga hindi masiguro base sa paunang kondisyon. Ito ang nagiging dahilan kung bakit hindi maaaring makagawa ng perpektong forecast, lalo na kung malayo pa ang araw ng paglabas ng forecast sa tinatayang araw ng landfall, ayon sa HurricaneScience.org
Gayundin, lahat ng forecast ay maaaring maiba, base sa mga bagong impormasyong nakakalap ng mga ahensya upang mas makapagbigay ng wastong balita sa publiko.
Mga pagkakapareho
Makikita sa mga "spaghetti model" na kagaya ng nasa itaas ang mga pagkakaiba at pagkakapareho ng mga forecast ng iba't ibang ahensya hinggil sa daraanan ng bagyong Ruby.
Sa kabila ng iba't ibang daan ng bagyo na makikita sa mga forecast, kapansin-pansin na nakikita na malamang tumawid ang naturang bagyo sa Central Visayas.
Sa forecast ng JWTC, makikitang gagalaw ang Ruby pa-hilaga patungong Bicol at Silangang Luzon.
Gayunpaman, saan man mag-landfall ang bagyo, dapat tandaan na mayroon itong diameter na halos 600km at siguradong maaapektuhan nito kahit ang mga lugar na malayo sa point of landfall. — Bianca Rose Dabu/JST/TJD, GMA News
More Videos
Most Popular