Lalaking nanghalay umano sa mahigit 10 babae, arestado
Dahil sa paglaban ng huli niyang bibiktimahin, naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki na umano'y nanghalay sa mahigit 10 babae. Ang ilan sa mga biktima ng suspek, menor de edad.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV's SONA nitong Miyerkules, sampal ang inabot ng suspek na si Albert Biol, nang makaharap nito sa himpilan ng pulisya ang kaniyang biktimang 14-anyos na babae.
Ayon sa ina ng biktimang itinago sa pangalang "Jessa," pinasok ng suspek ang kanilang bahay noong Oktubre habang natutulog sila.
Matapos kunin ang kanilang gamit, tinangay umano ng suspek ang dalagita at ginahasa bago tumakas.
Pero nitong Linggo, nadakip si Biol nang maglaban ang mga bibiktimahin niya sa Caloocan City at napalo ito ng matigas na bagay sa ulo.
Bukod sa Caloocan City, nakapambiktima rin umano ang suspek sa San Jose del Monte, Bulacan.
Umabot umano sa mahigit 10 ang babaeng ginahasa ng suspek, at may dalawa pang biktima ang positibong nagturo kay Biol.
Pinaghahanap na rin ng mga pulisya ang umano'y kasama ni Biol na si Sonny Villones.
Kinumpirma naman ni Biol ang ilang alegasyon sa kaniya at itinanggi naman ang iba.
Nahaharap si Biol sa mga kasong rape, robbery holdup, robbery with homicide, carnapping at illegal possession of firearms. -- FRJ, GMA News