Sual, Pangasinan, may bagong atraksyon dahil sa napadpad na mga dolphin
Naging atraksyon ngayon sa karagataan ng Sual, Pangasinan ang grupo ng mga bottlenose dolphin na pinaniniwalaang napadpad sa lugar sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong "Ruby."
Sa ulat ni Jasmin Gabriel ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas, dalawang araw nang paikot-ikot sa karagatan ng Sual ang grupo ng mga dolphin na hindi bababa sa sampu ang bilang.
Ayon sa municipal agriculturist, posibleng sumunod ang mga dolphin sa mga barkong dumaong sa baybayin noong kasagsagan ng bagyong "Ruby."
Dahil sa maliit pa ang mga ito, pinaniniwalaan na bata pa ang mga dolphin.
Tila nag-eenjoy naman ang mga dolphin na paiikot-ikot sa aquamarine culture zone ng bayan.
Tiniyak naman ng municipal agriculturist na ligtas ang mga dolphin sa lugar.
Nanawagan ang awtoridad sa mga mangingisda na hayaan lang at huwag sasaktan ang mga dolphin. -- FRJ, GMA News