ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

BABALA: Holdaper, nang-'carjack' ng taxi para makapang-holdap ng pasahero


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dapat doblehin ang pag-iingat at pagiging alisto ang mga sumasakay ng taxi matapos mabisto ang modus ng isang holdaper na nang-'carjack' ng taxi. Ang sasakyan, ginamit niya sa operasyon para madaling maholdap ng mga nagiging pasahero.

Nabisto ang naturang modus nang makunan sa closed-circuit-television camera ang ginawang pagholdap ng isang lalaking sakay ng taxi sa isang babae na naglalakad sa kalye ng barangay Additional Hills, San Juan City.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang bahagi ng video kung saan nakita ang suspek na tumatakbo patungo sa babae na kaniyang tinutukan ng baril at inagawan ng bag.

Ang suspek, galing umano sa taxi na may plakang TXK-554.

Tumakbo at nagpaputok daw ang suspek nang makita ang mga guwardiya sa lugar na tangkang tutulong sa babae.



Sa imbestigasyon ng San Juan police, lumitaw na ang ay kinarjak mula sa tunay na taxi driver na si Fernando Cuya.

Ayon kay Cuya, isang lalaki ang sumakay sa kaniya sa Pateros pero nagdeklara ng holdap pagsapit sa kapitolyo ng Pasig, at tinangay na ang kaniyang taxi.

"Kinarnap niya yung taxi at ito yung ginawa niyang modus operandi na kunwari magsasakay siya ng pasahero at kapag nasa loob na po ng taxi, kanyang hoholdapin," ayon kay Police Chief Insp. Melchor Rosales, acting chief for operations, San Juan Police.

Nang suriin ang loob ng taxi, nakita rito ang ilang bag, wallet id, credit card at iba pang personal na gamit na pinaniniwalang pagmamay-ari ng mga biktima ng holdaper na nagpanggap na taxi driver.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek.

Maaari namang puntahan sa himpilan ng pulisya ng San Juan ng mga may-ari ang gamit na nakita sa taxi.

Samantala, gumagawa naman ng hakbang ang Land Transfortation, Franchising and Regulatory Board, upang masawata ang ilang tiwaling taxi driver.

Ayon kay Arnel del Rio, tagapagsalita ng LTFRB, magkakaroon ng public consultation sa Lunes kasama ang mga organisasyon ng mga operator ng taxi upang mailahad ng ahensiya ang mga panukala tungkol sa binubuong ID System at data base para madaling matukoy ang lehitimo at pekeng drayber.

Call center agent, binaril ng driver na holdaper

Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV's News To Go nitong Huwebes, isang call center agent ang binaril sa mukha ng taxi driver na holdaper din umano sa bahagi ng Pasig City.

Base sa report ng Pasig police, 6:00 a.m. nitong Miyerkules nang sumakay ng taxi ang biktimang April Taclay, sa C-5 Libis, Quezon City at nagpahatid papuntang Mandaluyong City.

Pagdating sa Canley road sa Pasig, nagdeklara na umano ng holdap ang drayber at binaril ang biktima.



Nagawa namang nakatalon ng biktima mula sa taxi at nakaligtas.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang "Glowing Stone" taxi at patuloy na pinaghahanap ang suspek.

Nakatakda namang magpulong ang National Center for Commuter Safety and Protection at mga commuter groups, mga taxi operators at pamahalaan para pag-usapan ang isyu at makahanap ng solusyon kaugnay sa naturang problema sa kriminalidad. -- FRJ, GMA News