Pulis na nanutok at nagpaputok ng baril sa QC, pansamantalang inalis sa puwesto
Pansamantalang inalis sa puwesto ang isang pulis-Quezon City na nakunan ng video na nanutok ng baril sa isang sibilyan at nagpaputok pa habang nasa kalsada, ayon sa ulat ng "News TV Live" nitong araw ng Linggo.
Kinilala ang suspek na si SPO1 Rolando Gueta, miyembro ng Motorcyle Unit ng District Traffic Enforcement Unit.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), noong Nobyembre pa naganap ang insidente ng panunutok at pagpapaputok ng baril ni Gueta.
Nangyari umano ito nang sitahin ng mga pulis ang dalawang nakasakay sa motorsiklo. Nagkaroon umano ng komosyon nang lapitan na ni Gueta ang magkaangkas na motorista, at saka nakarinig ng pagputok ng baril. Nakunan din sa video ang panunutok ng baril sa biktima.
Giit naman ni Gueta, sinita nila ang lalaki dahil wala itong suot na helmet at wala pang side mirror ang motorsiklo na minamaneho nito.
Nagsimula ang komosyon nang paluin umano ng motorista ng kanyang helmet ang pulis.
Agad na ipinatawag ni QCPD director S/Supt. Joel Pagdilao ang suspek matapos niyang mapanood ang nasabing video.
Maliban sa pansamantalang pagkakaalis sa puwesto, kinumpiska rin ang baril ni Gueta habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Hindi pa nagsasampa ng kaso ang biktima, ngunit ipatatawag umano sila ng QCPD sa Lunes upang makaharap si Gueta.
Maaaring maharap sa mga reklamong illegal discharge of firearm, grave threat, alarm and scandal, at grave misconduct ang suspek. — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News