Pulis QC na nanutok ng baril at nagpaputok pa, pansamantalang inalis sa pwesto
Pansamantalang inalis sa pwesto ang isang pulis Quezon City na nakunan ng video na nanutok ng baril sa isang sibilyan at nagpaputok pa sa kalsada, ayon sa ulat ng News TV Live nitong Linggo.
Kinilala ang suspek na si SPO1 Rolando Gueta, miyembro ng motorcyle unit na District Traffic Enforcement Unit. Ayon sa Quezon City Police District, noong Nobyembre pa naganap ang insidente ng panunutok at pagpapaputok ng baril ni Gueta.
Nangyari raw ito nang sitahin ng mga pulis ang dalawang nakasakay sa motorsiklo. Nagkaroon umano ng tila komosyon nang lapitan na ni Gueta ang mga nahuli, at saka nakarinig ng pagputok ng baril.
Giit naman ni Gueta, sinita nila ang lalaki dahil wala itong suot na helmet at wala pang side mirror ang motorsiklo. Nagsimula ang komosyon nang paluin umano siya ng helmet ng biktima.
Agad na ipinatawag ni QCPD District Director S/Supt. Joel Pagdilao ang suspek matapos niyang mapanood ang nasabing video. Maliban sa pansamantalang pagkakaalis sa pwesto, kinumpiska rin ang baril ni Gueta habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Hindi pa nagsasampa ng kaso ang sinasabing biktima, ngunit ipapatawag daw sila ng QCPD sa Lunes upang makaharap si Gueta.
Maaaring maharap sa mga reklamong illegal discharge of firearm, grave threat, alarm and scandal, at grave misconduct ang suspek. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News