Ang madugong hostage crisis sa loob ng kulungan na 21 katao ang nasawi
Alam ba ninyo kung saan naganap ang madugong hostage crisis sa isang piitan noong 1989 na nagresulta sa pagkamatay ng 16 na bilanggo at lima nilang bihag, na kinabibilangan ng isang bata at isang babaeng misyonaryo na mula pa sa Australia?
Agosto 13, 1989 nang bihagin ng mga preso sa isang piitan sa loob ng dating militar compound sa Davao City ( na Davao City Police Office na ngayon), ang may 15 miyembro ng Joyful Assembly of God na nagsasagawa ng bible study sa kulungan. Kabilang sa mga nabihag ang 36-anyos na Australian national na si Jacqueline Hamill.
Kabilang sa mga bilanggo na nanguna sa pagbihag sa mga biktima ay sina Mohammad Nazir Samparani, dating miyembro ng Philippine Air Force at si Felipe Pugoy, na kaya napunta sa kulungan sa Davao City ay dahil sa kinasangkutan nitong riot at hostage taking sa Davao Penal Colony sa Davao del Norte.
Sa ikatlong araw ng krisis, tinangka ng mga bilanggo na armado ng baril na makalabas ng piitan sa Davao city at ginamit na panangga ang ilang bihag. Dito na nagkaroon ng putukan, hanggang sa tuluyang mauwi sa pagsalakay ng mga awtoridad.
Nang humupa ang putukan, patay ang lahat ng mga bilanggo, at nasawi ang limang bihag -- kabilang ang isang siyam-taong-gulang na lalaki at si Hamill, na isang buwan pa lang nananatili sa Pilipinas nang mangyari ang trahediya. -- FRJ, GMA News