ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga iligal na paputok, nasabat ng mga awtoridad sa Bocaue, Bulacan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nasabat ng mga awtoridad ang mga ibinebentang iligal na paputok sa Bocaue, Bulacan -- ang itinuturing firecracker capital ng bansa. Kabilang sa mga paputok na nakumpiska ang "Goodbye Philippines" at "Baby Dynamite."

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing ide-deliver sana ang mga nakumpiskang paputok sa isang customer nang masabat mga pulis.

Gayunman, nakatakas ang mga gumagawa at nagbebenta ng mga iligal na paputok matapos na matunugan umano ang operasyon ng mga awtoridad.

Samantala, isang tindahan din ng paputok sa Bocaue ang pinuntahan ng mga awtoridad upang alamin kung totoo na nagbebenta ito ng mga iligal na paputok.



May nakakuha kasi ng video sa tindahan noong isang linggo kung saan nakita ang pagbebenta ng malalakas na uri ng paputok. Pero bigong makakita ang mga pulis ng iligal na paputok sa tindahan.
 
Paliwanag ng may-ari ng tindahan, posibleng may tauhan siya na iligal na nagbebenta ng paputok na hindi niya batid.

Samantala, sinabi ng ilang tindera sa lugar na nadagdagan na ng kaunti ang mga bumibili ng mga legal na paputok at pailaw halos isang linggo bago ang pagsalubong sa bagong taon.

May ilang nagtitinda naman ang nagsabing may epekto sa kanilang benta ang kampanya ng Department of Health na "Iwas-Paputok."

Kaya mungkahi nila, sa halip na iwas-paputok ay ingat sa pagpapaputok na lang ang ipanawagan ng gobyerno.
 
Idinagdag nila na legal naman ang kanilang mga ibinebenta at sumusunod sila sa patakaran ng Bureau of Fire Protection at pulisya. -- FRJ, GMA News