Programang kontra kahirapan ni PNoy na '4Ps' o CCT, 'markado' sa COA
May nakitang mga problema ang Commission on Audit (COA) sa flagship anti-poverty program ng pamahalaang Aquino na Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Isa sa mga problema ang mga unpaid cash disbursement na umaabot sa P330 milyon.
Sa isinagawang 2013 audit sa Department of Social Welfare and Development, napansin ng COA ang mga double entry, data error, delayed cash releases at liquidation, at iba pang problema sa 4Ps na dahilan para markahan ng "red flags."
“Out of the P10.626 B funds transferred by the DSWD to the Landbank for the payment of 4Ps benefits for 2013 thru the over the counter scheme, only P 10.295 B was utilized or disbursed as of Dec. 31, 2013, leaving behind a balance of P330.347 M, representing unpaid amount intended for beneficiaries in eight regions, P91.929 M of which were unclaimed grants of active beneficiaries in regions IVa, VI, IX and Caraga,” saad sa ulat ng COA.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na kilala rin sa tawag na Conditional Cash Transfer program, ang pangunahing programa ng pamahalaang Aquino upang tulungan ang mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.
Sa ilalim ng programa na binubuhusan ng bilyong-bilyong pondo, nagkakaloob ng buwanang pinansiyal na tulong ang gobyerno sa mga kuwalipikadong pamilya. Kapalit nito ang pag-obliga sa mga magulang na pag-aralin ang mga anak at pangalagaan ang kalusugan.
BASAHIN: Mga tiwali, 'di raw makapagpapasasa sa P2.6-T 2015 budget, ayon kay PNoy
Hanggang noong Oktubre 2013, umaabot sa apat na milyon ang sakop na pamilya sa CCT program.
Sa 2015, naglaan ang pamahalaan ng mas malaking P62.3 bilyon para sa programa na ipinapatupad ng DSWD.
Pero hinala ng COA, posibleng hindi nakukuha ng mga benepisaryo ng programa ang para sa kanila, o kung hindi man ay mayroon mga karapat-dapat na hindi naisasama sa kabila ng ginagawang masusing pagsubaybay sa proyekto.
“The unutilized amount could have been reduced had revalidation been intensified on intended beneficiaries who failed to received the grant after every two-month payouts,” ayon sa COA.
Naniniwala ang audit body na mas mahusay na maipatutupad ng ahensiya ang kanilang sistema kung tama ang mga proseso ng pag-uulat.
“Prompt reporting of the status of the distribution of grants could have provided valuable information for decision makers, which could translate on improved policies or systems of the program,” paliwanag ng COA.
Nakasaad din sa ulat ang pagbibigay ng direktiba kay DSWD Secretary Dinky Soliman na paghusayin ang monitoring sa mga benepisaryo ng programa upang matiyak na hindi na mauulit ang pagkakaroon ng balense sa mga ibinibigay na tulong ng gobyerno.
“We recommend that the DSWD Secretary direct the National Project Management Office (NPMO) and Regional Project Management Office Pantawid Directors to intensify the validation of all unpaid beneficiaries and require prompt reporting on the status of beneficiaries in order that the corresponding changes are effected to arrive at a more reliable and accurate database. This will minimize the occurrence of unpaid grants,” saad sa ulat.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakitaan ng COA ng problema ang implementasyon ng CCT program.
Sa ulat ng COA noong 2012 , lumitaw na P96.62 milyon sa gastusin ng programa ang hindi naayon sa regulasyon. Sinasabing P50.15 milyong pondo na nailabas ay napunta sa 7,782 pamilya na wala naman sa listahan ng validated beneficiaries.
Sa 2013 report, nakita ng COA na tinatayang 4,300 ang may double entries sa listahan ng mga benepisaryo.
“Duplicate names for 4,320 beneficiaries in the 4Ps payroll in the amount of P46.502 million for CY 2013 not only resulted in incurrence of additional costs for the double payment of grants, but also misstated the Cash and Donation accounts,” ayon sa COA. — FRJ, GMA News