ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

May pag-asa o may pangamba?: Paano mo sasalubungin ang 2015?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bagong taon, bagong pag-asa. Ito ang lumilitaw sa resulta ng bagong survey ng Social Weather Station (SWS) na nagsasaad na 93 porsiyento o mahigit siyam sa bawat 10 Filipino ang sasalubungin ang 2015 na may pag-asa kaysa pangamba. Kabilang ka ba sa kanila?
 
Sa survey ng isinagawa ng SWS noong Nov. 27 hanggang Dec. 1, lumabas na ang resulta ng pag-aaral ay bahagyang mababa sa 94 porsiyento na naitala sa survey na naitala sa pagharap ng mga Pinoy sa 2014.
 
"Hope for the New Year has always been high, starting with 87 percent when the question was first asked in 2000, and with 88 percent in 2001,"  pahayag ng SWS.
 
Sa 1,800 adult na tinanong sa survey sa buong bansa, anim na porsiyento lamang ang nagsabing sasalubungin nila ang 2015 na may pangamba.
 
Una rito, lumitaw sa hiwalay na survey ng Pulse Asia na ginawa noong Nov. 14 hanggang 20 na 88 percent ng mga Pinoy ang nagsabing nakikita nila ang pag-asa sa 2015.
 
Ayon sa SWS, ang kanilang itinanong sa survey tungkol sa pag-asa at pangamba sa pagsalubong sa bagong taon ay kahalintulad sa isinagawang pagsusuri ng Institut für Demoskopie Allensbach (IfDAllensbach) ng Germany.
 
Ang pinakamataas na pag-asa umano sa bagong taon ay naitala noong 2002 na umabot sa 95 percent. Pero bumaba ito sa 90 percent sa 2003, at bumababa pa sa 81 percent sa sumunod na taon.
 
Muling umakyat sa 95 percent ang pag-asa noong 2011, at mula nito ay hindi na bumaba sa 90 percent level (2012, 92%; 2013, 94%; at 2014, 93%.
 
Nakasaad din sa survey ng SWS na ang pag-asa ng mga Filipino ay buhay na buhay sa lahat ng rehiyon sa bansa; 91 percent sa Metro Manila, Visayas at Mindanao; at 96 percent sa Balance Luzon.
 
Lumitaw din na mas mataas ang bilang ng mga may-asa sa susunod na taon, kahit mas mababa (71 percent) ang nagpahayag na magiging masaya ang kanilang Pasko ngayong taon.
 
"Even among the 24 percent who say their Christmas would neither be happy nor sad, 91 percent are entering 2015 with hope," ayon sa survey.
 
Samantala, sa anim na porsiyentong umaasa ng malungkot na Pasko, 76 percent ang patuloy na umaasa na magkakaroon sila ng pag-asa sa 2015. -- FRJ, GMA News

Tags: talakayan