ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga nakapiit sa PNP-Custodial Center, puwedeng makasama ang pamilya sa pagsalubong sa 2015


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maaari nang makasama ng mga nakapiit sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame -- kabilang ang mga nahaharap sa kasong katiwalian kaugnay ng pork barrel scam -- ang kanilang pamilya sa pagsalubong sa Bagong Taon.
 
Ito ay matapos aprubahan ng Philippine National Police  Headquarters Support Service ang hiling ni Atty. Richard Cambe na pahabain ang oras ng kaniyang dalaw, at pati na ang iba pang nakapiit dito sa bisperas ng bagong taon.
 
Si Cambe ay tauhan ni Senador Ramon "Bong" Revilla Jr., na kapwa nakapiit sa PNP Custodial Center dahil sa kasong pandarambong o plunder na nakabinbin sa Sandiganbayan.
 
Mula sa kasalukuyang oras ng pagbisita na 1:00 p.m. hanggang 5:00 p.m., maaari nang tumagal ang kaniyang dalaw mula 5:00 p.m. sa ika-31 ng Disyembre hanggang 1:00  a.m. ng Enero 1, 2015, ayon sa PNP public information office nitong Martes. 
 
Bukod kay Cambe at Revilla, ang ilang pang mga kilalang personalidad na nakapiit sa custodial center ng PNP ay sina Senador Jinggoy Estrada, at ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, na mga lider ng Communist Party of the Philippines. 
 
Nilinaw ng pulisya na ang nasabing kautusan sa dalaw ay para sa lahat ng mga nakakulong sa PNP Custodial Center, at hindi para lamang sa mga nakadetine dahil sa kasong katiwalian.
 
Dagdag pa nila, pinayagan ang mga bilanggo na makapagdiwang ng Bagong Taon kasama ang kanilang pamilya dahil sa "humanitarian reason and in the observance of the Yuletide Season."
 
Samantala, ipinaalala naman ni Chief Superintendent Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na maaaring magdala ng pagkain ang mga bisita, ngunit hindi umano ito isang "party."
 
"Ang nakalagay doon immediate family members [lang] ... Baka  lumabas buong barangay imbitado - hindi naman... Ang consideration diyan of course is the convenience of everyone," aniya. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News