Lalaki, sugatan sa pagpapaputok ng baril; binatilyo, sugatan naman sa piccolo
Nasugatan sa hita ang isang lalaki sa Bulungao, Pangasinan matapos na aksidente umanong pumutok ang dalang baril. Samantala, isang binatilyo naman ang nasugatan sa kamay dahil sa iligal na paputok na piccolo.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, kinilala ang biktima na nadaplisan ng bala sa hita na si Reggy Villapa, 51-anyos, ng barangay San Miguel sa bayan ng Balungao.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na aksidente raw nakalabit ng lalaki ang baril habang patungo sa gate ng bahay.
Inaalam ngayon ng pulisya kung may lisensya ang baril ng biktima.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang biktima pero wala ito sa kanilang bahay.
Paalala muli ng mga awtoridad, huwag gagamit ng baril sa pagsalubong sa bagong taon para hindi madisgrasya o makadisgrasya.
Samantala, nadagdagan na naman ang humahabang listahan ng mga nagiging biktima ng iligal na paputok na piccolo.
Sa barangay Mancup sa bayan ng Calasiao sa Pangasinan, namaga ang mga daliri ng 12-anyos na lalaki makaraan siyang naputukan ipinagbabawal na paputok.
Ang binatilyo ang ikaapat na naitalang biktima ng paputok sa Pangasinan Provincial Hospital.
Muli namang pinaalalahanan ng Bureau of Fire Protection ang publiko na lubhang delikado ang piccolo dahil mabilis itong pumutok kapag nasindihan.
Sa naitalang 46 insidente ng firecracker related injuries mula noong December 21, lumitaw na ang piccolo ang pangunahing dahilan ng pagkakasugat ng mga biktima.
Ang naturang bilang ay higit na mataas umano ng 70 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa Tarlac city, Tarlac, isang lalaki rin ang dinala sa Tarlac Provincial Hospital dahil sa sugat na tinamo sa kamay dahil sa piccolo.
Umabot na umano sa 13 katao ang dinala sa nasabing pagamutan na naging biktima ng paputok. -- FRJ, GMA News