Bata, patay sa ligaw na bala; abot sa 12 katao, sugatan dahil sa pagpapaputok ng baril
Isang bata na 11-taong-gulang ang nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa Abra sa selebrasyon ng pagsalubong sa bagong taon. Tinatayang nasa 12 katao naman mula sa iba't ibang panig ng bansa ang nasugatan dahil sa mga insidente ng pagpapaputok ng baril.
Sa isang ulat ng GMA News TV Live nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya sa munisipalidad ng Tayum bago magpalit ang taon nitong Miyerkules.
Ayon sa ama ng bata, galing sa kalapit na bahay ang anak nang matumba ito nang palapit na sa kanya. Nakita niya ang dugo na nagmumula sa likuran ng bata.
Isinugod ang biktima sa ospital pero binawian ng buhay dakong 3:00 a.m. nitong Huwebes dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.
12 pa ang sugatan
Sa magkakahiwalay na ulat ng GMA News, aabot sa 12 katao mula sa Metro Manila, Leyte, Masbate, at Iloilo ang nasugatan dahil sa tama ng mga ligaw na bala sa pasalubong sa 2015.
Sa Ormoc City, Leyte, isang 27-year-old lalaki ang nabiktima ng stray bullet habang natutulog sa kaniyang bahay.
Kailangang operahan ang biktima dahil sa tama ng bala nito sa leeg.
Sa Masbate, tatlo katao ang nasugatan sa tama ng ligaw na mga bala sa kasagsagan ng kasiyahan sa pagsalubong sa bagong taon.
Nagtamo umano ang mga biktima ng tama ng bala sa kamay, tiyan at tuhod.
Sa Iloilo, iniulat ni RGMA reporter Melanie Ferrer, na may naitalang apat na biktima ng ligaw na bala sa lalawigan, at 13 ang nasugatan sa paputok.
Sa Quezon City, sinabi sa ulat ng dzBB radio na may apat na biktima ng ligaw na bala na dinala sa mga ospital.
Sinabi naman ni Philippine National Police spokesman Chief Superintendent Wilben Mayor, na mayroong 14 kaso ng stray bullet incidents mula December 16 hanggang 7:30 a.m. nitong Enero 1.
Una rito, nangako si PNP Crime Laboratory Physical Identification Division chief Chief Insp. Meynard Palapo na kikilos ang PNP para matukoy ang mga nagpaputok ng baril sa selebrasyon ng bagong taon.
Sa pagsalubong sa 2014, may naitalang 28 biktima ng ligaw na bala. -- FRJ, GMA News