1 na namang batang babae, natagpuang patay sa Laguna
Isa na namang batang babae ang natagpuang patay sa isang bakanteng lote sa Laguna. Ang biktima, hinihinalang ginahasa dahil wala itong saplot nang matagpuan.
Sa inisyal na report ng pulisya, sinabi sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, na nanonood daw ng telebisyon ang mag-anak noong Disyembre 27 nang lumabas ng bahay ang walong-taong-gulang na biktima.
Nang mapansin nila na isang oras nang wala sa bahay ang anak, humingi na siya ng tulong sa barangay para maghanap.
Tatlong araw na hinanap ang bata hanggang sa makita ang bangkay nito sa isang bakanteng lote sa Los Baños, Laguna.
Posible raw na ginahasa pa ang biktima bago patayin. Hindi pa inilalabas ang resulta ng autopsy sa bangkay ng bata.
Ayon sa pulisya, may suspek na sila base sa salaysay ng ilang saksi.
Bukod dito, may nakita ring gamit sa crime scene na pag-aari umano ng isang lalaki.
Naglaan naman ng P100,000 na pabuya ang alkalde ng Los Baños para sa mabilis na ikadarakip ng suspek.
Basahin: 8-anyos na babae, nakitang patay sa sapa sa Laguna
Noong nakaraang Nobyembre, walang saplot at nakalublob ang mukha sa tubig nang makita ang bangkay ng isang 8-anyos na babae sa isang sapa sa Biñan, Laguna. -- FRJ, GMA News